top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Mga titser, mas dapat munang hasain sa pagtuturo para maging epektib sa trabaho

Kuya Win Gatchalian
Jan 21, 2020
2 min read

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, isa sa mga tinututukan ng inyong lingkod ay ang magkaroon tayo ng mas maraming highly qualified o mas mahuhusay na mga guro na makapaglilinang ng karunungan ng mga estudyante.

Nakalulungkot isipin ang mababang markang nakuha ng ating mga estudyanteng nasa edad 15 nang maihambing sa mga estudyante mula sa higit 70 bansa sa larangan ng Reading Comprehension, Science at Mathematics, sa nagdaang global survey na Programme for International Student Assessment (PISA) 2018 na isinagawa ng Organization for Economic Co-operation and Development.

Ito ay kasanayan na kinakailangan ng tuluy-tuloy na paghahasa, paglinang at pangangalaga. Napakalaking responsibilidad at hamon ito para sa mga guro. Nawa’y madiskubre pa lalo ng ating mga guro ang kanilang potensiyal at lalo pa sana silang mabigyan ng oportunidad na makita at gamitin ito.

Ang mahusay na pagtuturo ng isang guro ay nakadepende sa pinakamabisang paraan upang kanyang maibahagi ang kaalaman sa kanyang mag-aaral.

Umaasa tayo na ang mga pag-aaral na tulad ng PISA ay maging daan para madagdagan ang mga gurong may mas mataas na kalidad sa pagtuturo, kaakibat ang pagtutok sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong ng suportang pang-intelektuwal. Umaasa rin tayo na sa paraang tulad nito ay makatatanggap ng patas na karunungan sa pag-aaral ang bawat isa sa mga estudyante.

Dahil dito, hinihikayat natin ang Department of Education (DepEd) na magbigay ng mga insentibo sa mga mahuhusay na guro na magturo sa mga paaralan kung saan sila lubos na kinakailangan.

Ang layunin ng edukasyon ay magkaroon ng pantay-pantay na oportunidad ang ating mga mag-aaral. Ngunit, kung magpapatuloy ang mga suliranin tulad ng kakulangan ng mahuhusay na guro, lalo lamang mapag-iiwanan ang ating mga nangangailangang mag-aaral.

Kaya naman, dapat nang mabigyan ng prayoridad ang ating panukalang-batas na Senate Bill No. 367 o The Continuing Education for Teachers Act.

Kapag naisabatas na, itataguyod ang mandatory continuing education para sa mga elementary at high school teacher ng pribado at pampublikong paaralan. Ito ay makatutulong sa pagpapabuti at pagpapayaman ng kanilang kasanayan sa pagtuturo.

Sakop ng nasabing panukala ang hindi bababa sa 24-oras kada taon o walong oras kada linggo na pagdalo ng mga guro sa mandatory continuing education activities kung saan saklaw nito ang mga paksang Professional Education, General Education, pati na ang teaching methods sa kanilang specialization.

Naniniwala tayong isa sa mga susi sa magandang pundasyon sa edukasyon ay marunong, matalino, responsable at higit sa lahat, isang guro na may dedikasyon sa kanyang propesyon.

Ang patuloy nilang pag-aaral ay mahalaga sa kabuuang paglago ng kanilang propesyon at karera.

Inaasahan nating mailalahad ng panukalang-batas ang karapat-dapat na pananaw, misyon, hangarin, layunin at paraan tungo sa wasto at maayos na kaalaman ng ating mga guro — na siyang pakikinabangan ng kanilang mga mag-aaral.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page