Biglang pagbabawal sa Angkas at Joy Ride, pahirap sa masa

Nagulat ang marami sa pahayag ng Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) na irerekomenda nila ang agarang pagbabawal sa mga motorcycle ride hailing app tulad ng Angkas, gayundin ang Joy Ride na kailan lamang inaprubahan bilang kakumpitensiya ng Angkas. Ito ay pagkatapos umano ng tatlong buwang pag-aaral nito.
Malaki ang epekto nito hindi lamang sa mga kabuhayan at pamilya ng libu-libong drivers kundi lalo na sa libu-libong mananakay na umaasa sa ganitong alternatibong transportasyon na bukod sa mura na ay panandaliang solusyon din sa napakabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Para sa atin, tila hindi nagkaroon ng masusing pag-aaral at konsultasyon sa bagay na ito kaya marami ang nabahala at nagulat sa pahayag ng TWG.
Ayon sa datos, karamihan sa mga gumagamit ng ride hailing app ay mga estudyante at empleyado. Kaya naman, siguradong sila ang lubos na apektado kung sakaling matuloy ito.
Marahil, kailangang pag-aralan pa ito nang mabuti at tingnan ang malaking epekto sa mga drivers at higit sa lahat, ang kapakanan ng riding public o mananakay at hindi ‘yung interes o kapritso lang ng iilang taong-gobyerno.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ISKOr ni Isko Moreno, BULGAR Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa iskor@bulgar.com.ph





Comments