Top pick sa 2020 PBA D-League si Malonzo

Ang Fil-Am forward na si Jamie Malonzo ang inaasahang magiging top pick sa idaraos na 2020 PBA D-League Draft sa araw na ito sa PBA Office sa Libis, Quezon City.
Maugong ang 6-foot-6 high-flyer at nangunguna sa radar ng AMA Online Education, ang nagmamay-ari ng first pick makaraan ang naging stints nito sa Portland State at sa De La Salle sa nakaraang UAAP season kung saan napabilang ito sa Mythical Team.
Ito na ang ika-4 na sunod na taon na si coach Mark Herrera at ang Titans ang may hawak ng top pick sa taunang rookie selection para sa mga nag-aambisyong umabot ng pro ranks.
Ang mga dati nilang naging top picks ay sina Jeron Teng (2017), Owen Graham (2018) at Joshua Munzon (2019).
Maliban kay Malonzo, kabilang din sa mga tinatayang maagang mapipili ay sina Gilas pool member Jaydee Tungcab, mga dating national youth players Jollo Go at Jerie Pingoy at mga Cebuano standouts Darrell Menina at Jaybie Mantilla.
Ang rookie pool ay mayroong 137 na mga aplikante na kinabibilangan ng 17 Fil-foreigners.
Labing-isa sa 12 koponang kalahok sa darating na Aspirants’ Cup ay mga school-based squads.
Samantala, ikalawang pipili ay ang Foundation Cup runner-up Marinerong Pilipino at kasunod nila para sa third overall pick ang Aspirants Cup bridesmaid na Centro Escolar University.





Comments