May-ari ng lupa, may 'k' putulin ang ugat ng puno ng kapitbahay na pumapasok sa kanyang lupa
- Persida Acosta
- Jan 20, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Pinamanahan ako ng lupa sa probinsiya ng aking mga magulang. Kamakailan ay pinuntahan ko ito para makita. Napansin ko na may katabi itong malaking puno na pag-aari ng kapitbahay. Ang ilan sa mga ugat ng puno ay pumapasok na sa parte ng lupa na aking minana. Hindi ko magamit ang parte ng lupa na may ugat kaya pinutol ko ang mga ito kahit ayaw pumayag ng kapitbahay na may-ari nito. Nabuwisit siya at sinabing may pananagutan daw ako sa kanya at nagbanta rin siya na sasampahan niya ako ng kaso. Puwede ba niyang gawin ‘yun? - Serie
Dear Serie, Binigyang-linaw sa Article 680 ng New Civil Code of the Philippines na maaaring putulin ng may-ari ng lupa ang mga ugat ng karatig na puno kapag pinasok na nito ang kanyang lupain:
“Article. 680. If the branches of any trees should extend over a neighboring estate, tenement, garden or yard, the owner of the latter shall have the right to demand that they be cut off insofar as they may spread over his property. And, if it be the roots of a neighboring tree which should penetrate into the land of another, the latter may cut them off himself within his property.” (Binigyang-diin)
Malinaw na sinasabi ng ating batas na bilang may-ari ng lupa, kayo ay may karapatang putulin ang mga ugat ng karatig na puno ng inyong kapitbahay na pumasok sa inyong lupain.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments