Grupo ng mga guro, pumalag.. Iskul, ‘wag gawing evacuation center!

Lumawak na nang husto ang naging problema matapos ang nangyaring trahedya ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Halos lahat ng sektor ng lipunan ay nagsasagawa ng pagtulong at relief operations upang matugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta.
Dahil dito, umusbong ang iba’t ibang suliranin tulad ng kakulangan ng supply ng tubig at pagkain at pagkakasakit ng mga tao kung saan nagsisiksikan ang mga ito sa mga paaralan na ginawang pansamantalang tirahan.
Kaugnay nito, muling binuhay ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist, ang kanilang panawagan na ipasa at tuluyan ng maging batas ang pagbabawal sa paggamit sa mga paaralan bilang evacuation center sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay ACT Rep. France Castro, tuwing nagkakaroon ng kalamidad, nasa 91 paaralan sa CALABARZON ang ginagawang pansamantalang tirahan ng mga evacuee kaya hindi magamit ang mga silid-aralan para sa klase matapos ang kalamidad.
Mula pa noong 2013, nang manalasa ang Bagyong Yolanda ay sinimulang maghain ang grupo sa Makabayan bloc ng panukala para itigil ang paggamit sa mga eskuwelahan bilang evacuation site. Aniya, dapat magkaroon ng hiwalay na evacuation centers sa dalawa o tatlong barangay upang maging kanlungan ng mga evacuee kung dumating man ang matinding kalamidad.
Bago pa rito, inihayag ni Education Secretary Leonor Briones na dapat nang ilikas ang mga evacuee sa mga eskuwelahan at ilipat sa ibang lugar upang maipagpatuloy na ang klase ng mga estudyante.
Sa totoo lang, isa ito sa mga problema na dapat bigyang-pansin ng pamahalaan. Naaantala ang pag-aaral ng mga bata tuwing nagkakaroon ng kalamidad dahil ginagawang kanlungan ng mga evacuee ang mga eskuwelahan.
Ang mga paaralan ang agarang takbuhan at solusyon ng gobyerno sa suliraning ito.
Walang masama kung isang araw lang mananatili sa mga paaralan ang mga evacuee. Ngunit, paano kung abutin nang linggo at buwan kung saan naisasakripisyo naman ang pag-aaral ng mga kabataan?
Kung may budget ang pamahalaan para sa iba’t ibang modernisasyon sa bansa, bigyang-prayoridad din sana ang tamang lugar-kanlungan para sa mga biktima ng mga kalamidad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments