Rider sinita sa helmet, buking sa shabu
- Maeng Santos
- Jan 19, 2020
- 1 min read

Kalaboso ang 29-anyos na rider matapos makuhanan ng shabu makaraang masita ng mga awtoridad dahil walang suot na helmet sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang suspek na si Domiciano Tongga, Jr. ng Bgy. 185 Malaria.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores, alas-11:40 ng gabi, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Caloocan Police Community Precinct (PCP) 4 sa kahabaan ng Quirino Highway malapit sa Alat Bridge, Bgy. Malaria nang parahin si Tongga ng LTO personnel na si Michael Pangilinan dahil wala itong suot na helmet.
Nang hanapan ni Pangilinan ng driver’s license ang rider, certificate of registration at official receipt ng kanyang minamanehong motorsiklo, tatlong sachets na naglalaman ng shabu ang nahulog mula sa wallet ni Tongga.
Matapos masaksihan nina Pat. Michael Badiango at Pat. Romy-Ric Mamaril ang pangyayari ay agad nilang inaresto si Tongga at narekober sa kanya ang humigi’t kumulang sa 1.05 gramo ng shabu na nasa P10,200 street value ang halaga.





Comments