Magastos ka ba, besh?.. Tips para mai-budget nang tama ang pera at makaipon
- Justine Daguno
- Jan 19, 2020
- 2 min read

Sabihin man nila na hindi pera ang pinakamahalagang bagay sa buhay ng tao, hindi maitatangging kapag wala o kapos ka nito ay hindi rin madaling mabuhay. Sa panahon ngayon na madalas magtaas ang presyo ng mga bilihin, partikular ang mga pangunahing produkto, ang pagiging wais sa paghawak ng pera ang isa sa mga bagay na dapat nating matutunan. Ngayong 2020, anu-ano nga ba ang mga financial habit na kailangan nating gawin?
1. I-TRACK ANG MGA GASTUSIN. Madaling mamo-monitor ang pera kapag inumpisahan ito sa pag-track ng mga gastusin. Para hindi mahirapan sa pag-track ng expenses, puwedeng ilista ito sa journal o mag-download ng apps na money manager. Sa gawaing ito, malalaman natin kung tama ang “spending habits” natin. Mahalaga na malinaw sa atin kung saan napupunta ang ating pera.
2. SIMULAN ANG PAG-I-INVEST. Ang pag-i-invest ay isa sa mga paraan para mapaunlad ang pera na kinikita mo sa ngayon.
Gayunman, bago ito simulan o bago maglabas ng anumang halaga, mag-research o pag-aralan muna ang mapipiling investing firm para hindi maloko o malagay sa alanganin ang perang pinaghirapan.
Tandaan, hindi basehan ang laki o liit ng suweldo para gawin ito.
3. PAG-IPUNAN ANG RETIREMENT. Kasabay ng pag-i-invest, dapat din nating pag-ipunan ang ating pagreretiro. Mabuti kung meron tayong social o health insurance, pero mas oks kung meron tayong retirement plan.
Sa simpleng dahilan na kung ayaw mong maging pabigat o umasa sa iba sa iyong pagtanda, dapat ngayon pa lang ay pinag-iipunan mo na ito.
4. UNAHIN ANG KAILANGAN BAGO ANG GUSTO. Huwag sayangin ang bawat sentimo na kinikita o sinusuweldo. Tulad ng payo ng mga financial expert, unahin ang pagbili ng mga bagay na kailangan bago ang mga bagay na gusto lamang.
Kung may gusto tayong bilhin, pero hindi maituturing na “needs”, sundin ang 30-day rule o maghintay ng 30-day at kapag gusto mo pa rin ay saka lamang ito puwedeng bilhin!
Sa totoo lang, kapag may hawak o inaasahan tayong pera, madali tayong matukso na gumastos. Kung kasama sa New Year’s Resolution mo ang ‘wise spending’, good ‘yan pero dapat huwag lang itong sulatin o planuhin, dapat gawin ito hindi lang ngayong January kundi hanggang sa mga susunod pang mga taon. Ganern!





Comments