Taal survivors, ligtas sa bulkan, 50-50 sa iba‘t ibang sakit

Mag-iisang linggo na ang nakalipas mula nang mangyari ang trahedya ng pagputok ng Bulkang Taal.
Matinding dagok ang naranasan ng ating mga kababayan sa Batangas, lalo na sa Talisay at mga karatig na lugar.
Karamihan sa mamamayan ay umalis at iniwanan ang kani-kanilang tahanan upang pumunta sa mas ligtas na lugar.
Ayon kay Taal Batangas Mayor Fulgencio Mercado, umabot na sa 14,000 katao o 97 porsiyento ang kanilang nailikas na kasalukuyang nasa evacuation centers.
Mahigit sa 2,000 pamilya at humigit-kumulang sa 8,000 indibidwal ang nanunuluyan at naghihintay ng tulong mula sa gobyerno at iba’t ibang sektor ng lipunan.
Gustuhin man nilang bumalik sa kanilang tahanan para kahit paano ay maibsan ang hirap na nararanasan ay hindi maaari dahil naka-lockdown na ang buong Talisay, Batangas kung saan inilagay ng Phivolcs ang boundary ng 14 kilometers danger zone. Kaugnay nito, napabalitang nagkakasakit na ang ilan sa mga kababayan nating nasa evacuation centers. Ang masaklap, isang babae na taga-Talisay ang namatay dahil sa atake sa puso. Nadala pa siya sa ospital pero binawian din ng buhay.
Marahil, sa gutom, uhaw, pagod at puyat na nararanasan ng mga evacuee ay tinamaan na sila ng iba’t ibang sakit tulad ng hika dahil sa ashfall na bumalot sa paligid.
Ang iba naman, dahil sa sobrang stress ay tumaas ang presyon ng dugo at nawalan pa ng malay. Samantala, ang mga bata at matatanda ay inuubo at sinisipon na rin.
Gayunman, nangako ang pamahalaan ng Batangas na tutugunan nila ang mga pangangailangang medikal sa mga evacuation center at nagpadala na rin sila ng mga medical health officer at volunteered nurse.
Hanggang kailan titiisin ng ating mga kababayan ang ganitong sitwasyon, sapat ba na nailikas sila? Huwag nating hintaying dahil sa iba’t ibang sakit na dumarapo sa kanila, unti-unti rin silang malagay sa alanganin.
Gayundin, sana ay makita natin na hindi lang pisikal na karamdaman ang nararanasan nila kundi matinding trauma na dulot ng kalunus-lunos na pangyayaring ito.
Para sa atin na may kakayahang tumulong sa anumang paraan, huwag tayong manood at maghintay lamang.
Bukod sa sama-sama tayong manalangin sa Poong Maykapal, kumilos din tayo at umaksiyon nang sa gayun ay mabawasan ang problemang ating kinakaharap.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments