top of page
WINNER - DEREK, ENDORSER NG ONLINE GAMBLING-IG _ramseyderek07.jpg

Marathon Nat’l Finals, raratsada na sa Tarlac

  • A. Servinio
  • Jan 18, 2020
  • 2 min read

Magiging kulay berde ang mga lansangan ng Tarlac City bukas ng madaling araw sa paglarga ng 2019 MILO Marathon National Finals tampok ang mahigit 900 na pinakamabilis na mananakbo ng Pilipinas. Patuloy ang kasaysayan ng pinakamatanda at prestihiyosong karera ng takbuhan ng bansa kung saan umusbong ang ilang mga alamat na sa palakasan.

Ito na rin ang ika-limang taon na ang MILO National Finals ay umiikot sa buong kapuluan matapos ganapin sa Kalakhang Maynila lang. Nagsimula ang serye noong 2015 sa Angeles at sinundan ng mga karera sa Iloilo (2016), Cebu (2017) at Laoag (2018).

Kahit iba-iba ang lugar, isa lang ang pareho at ito ang pag-reyna ni MILO Queen Mary Joy Tabal na inaasam ang kanyang ika-pitong sunod na korona.

Sa kasamaang palad, pumanaw si MILO King Rafael Poliquit noong nakaraang Abril kaya pinalitan siya ni Jerald Zabala na pumangalawa sa Laoag.

Aabangan ang muling pagtutuos nina Tabal at ni 30th Southeast Asian Games Marathon gold medallist Christine Hallasgo, ang huling Pinay na tumalo sa kanya sa 42.195 kilometro. Halos isang buwan lang ang lumipas buhat ng kanilang mahigpitang karera sa malapit na bayan ng Capas kaya malakas ang pagkakataon na may iba pang umangat at maagaw ang pansin sa dalawa tulad ng beteranang si Christabel Martes na apat na beses naging MILO Queen.

Mas mahirap hulaan kung sino ang mananaig sa panig ng kalalakihan kahit ang maagang paborito ay sina Zabala at Anthony Nerza na parehong kumatawan sa Pilipinas sa SEAG. Tulad ng sa kababaihan, maaring may makagulat gaya ng mga dating MILO King na sina Jeorge Andrade at Jeson Agravante.

Magtitipon ang lahat sa F. Tanedo Street simula 2:00 a.m. at aalis ang pulutong ng 3:30 a.m. Dadaan sila ng Romulo Boulevard at tutuloy sa Barangay Babagtas sa bayan ng San Jose bago bumalik ng Romulo at sa pagwakas ng karera sa Tarlac City Hall kaya inaabisuhan ang mga motorista na iwasan muna ang mga nasabing lugar.

Lahat ng kalahok sa MILO National Finals ay pumasa sa mga qualifier mula Hulyo hanggang Nobyembre. Ginanap ang tradisyonal na carbo-loading party at bigayan ng numero at berdeng damit noong Biyernes ng gabi at ilan sa mga pinakamabilis sa qualifier ay binigyan din ng libreng pamasahe at matutulugan sa Tarlac.

Gagawaran ang mga kampeon sa Open at Local ng P150,000 at tropeo. Maaring manalo ang isang Pinoy ng dalawang beses kung mas mabilis siya sa mga kalahok na banyaga na karamihan ay galing Aprika.

Magkakaroon din ng mga patakbo sa 21-km, 10-km, 5-km at 3-km para sa mga nais samahan sa daan ang mga kampeon. Bahagi ng malilikom na pondo buhat sa mga registration fee ay mapupunta sa proyekto na magbibigay ng libreng sapatos na degoma at bola sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan sa mga lungsod na ginaganapan ng mga yugto ng karera.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page