top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Ilang taga-Maynila, feeling suwerte na hindi nasalanta ng pagsabog ng Taal

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Jan 18, 2020
  • 2 min read

Ayon sa kaibigan nating pari na mula sa apektadong lugar sa Batangas, “Wala na akong parukyano. Nagsilikas na silang lahat sa Laguna, Cavite at Maynila.

Pero kinailangan kong bumalik para isalba ang mga “canonical books”.

Dadalhin ko ang mga ito sa San Juan, Batangas na magiging sentro ng Archdiocese of Lipa. Naapektuhan ang 2/3rds ng aming Archdioceses, 1/3rd lang ng mga parokya ang nailigtas sa pag-aalburoto ng Bulkang Taal.”

Mula naman sa isang kaibigang empleyado sa Maynila, “Tinawagan ako ng aking mga pinsan at pinakiusapan kami ng aking anak na sunduin ang aming tiyuhin sa Tagaytay. Kaunti lang ang mga papuntang Tagaytay. Dagsa ang mga sasakyan na papunta sa Maynila para lumikas.

Pagdating namin doon, tatlo sila — si tito, pinsan kong lalaki at pamangkin. Pagdating namin sa condo, tumawag naman ang mga pinsan namin sa Batangas na nakikiusap na sunduin pa ang ibang kamag-anak. Pero dahil gabi na ay hindi na kami nakaalis.

Mabuti na lang at nakagawa sila ng paraan para makaluwas. Kaya ngayon, sampung tao ang nagsisiksikan sa aming maliit na condominium pero mas okay na ito dahil alam naming ligtas ang lahat.”

Ilan lamang ito sa mga kuwento ng mga kaibigan nating may mga mahal sa buhay na naapektuhan ng ilang araw nang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Sa kabila ng kasalukuyang kalamidad na nangyayari sa bansa, nakadidismaya dahil may ilan na tila walang pakiramdam kung magkomento. Ayon sa ilang reaksiyon ng mga tao,”Mabuti na lang at ashfall lang ang umabot sa Maynila.

Suwerte tayo at hindi tayo taga-Batangas.”

Suwerte nga ba talaga tayo at hindi tayo ang tuwirang tinamaan ng ashfall at dinaanan ng kumukulong putik? Ganito ba kababa ang antas ng usapan tungkol sa pagsabog ng Bulkang Taal?

Noong Huwebes, tungkol sa isang ketongin na humihingi ng tulong kay Hesus ang ebanghelyo. Sabi ng ketongin kay Hesus, “Kung nais N’yo ay gagawin Ninyong malinis muli ang aking balat.” (Marcos 1:40 ff) Literal na ketongin ang lalaking nagmamakaawa kay Hesus. Subalit, merong lumalaganap na “ketong” sa buong mundo. Ito ang ketong na walang pakialam sa kapwa.

Kung mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan, ganundin kahirap gamutin ang mga naglilinis-linisan. Alam nating maraming nagbabalak tumulong at nagsimula nang tumulong sa mga kapatid nating lubhang naapektuhan ng Bulkang Taal. Anuman ang katatayuan natin, ipagdasal nating mapawi ang “ketong” ng mga walang pakialam.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page