Aranas, 3rd place sa Stone Classic New York

Naitakas ni Zoren James “Dodong Diamond” Aranas ng Pilipinas ang pangatlong puwesto kontra sa malupit na oposisyong sinagupa niya kamakailan sa pang-33 edisyon ng Turning Stone Classic 9-Ball Open sa palaruan ng Verona, New York.
Sumargo si Aranas sa pagpapataob ng sampung mga katunggali kontra sa dalawang talo tungo sa kanyang unang podium showing ngayong taong ito.
Kasama sa mga napayuko sa husay ng Pinoy sina Larry Phlegar (USA, 9-0), David Dreidel (USA, 9-3) Earl Herring (U.S.A, 9-2), Matt Tetreault (USA, 9-3), Earl Strickland (USA, 9-4), Sylvain Gingras (Canada, 9-5), Souvanthong (USA, 9-6), Jeremy Sossei (USA, 9-0), Miezko Fortunski (Poland, 9-7) at Billy Thorpe (USA, 9-1).
Sa huling laro ng Pinoy, may labing-isang top 3 performances noong 2019 at pang-17 sa World Fargo Ranking, iginupo na siya ng lagnat at tuluyang tumiklop sa Tournament runner-up na si Alexander Kazakis ng Greece sa iskor na 1-9. Ang una niyang pagkatalo ay naiposte sa kamay ni Sossei, 5-9.
Si World Pool Billiards Association (WPA) no. 2 at World Fargo Ranking frontrunner Shane “Dakota Kid” Van Boening ng Estados Unidos ang nagkampeon sa paligsahan.
Tumanggap siya ng gantimpalang $8,000 habang ang sumegundang si Kazakis ay nag-uwi ng $6,000.
Halagang $3,600 ang naging premyo ni Aranas dahil sa pagiging tersera. Ito rin ang nagtulak sa kanya upang makaupo sa panglimang puwesto ng 2020 AZBilliards Moneyboard.
Sa kasalukuyan ay si Aranas lang ang tanging Pinoy na nasa top 10 ng piling talaan.
Kasama sa mga bigating manunumbok na naghangad na pumasok sa winners’ circle pero umuwing luhaan ay sina Scotland pride at dating WPA no. 1 Jayson Shaw, Canadian John Morra at Konrad Juszcyszyn ng Poland.





Comments