Ahensiyang tututok sa kalamidad, isinusulong
- Sonny Angara
- Jan 18, 2020
- 2 min read

Binalot ng takot at lungkot ang mga kababayan natin sa Batangas kaugnay ng ilang araw nang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.
Dahil dito, nilukob ng abo ang mga lalawigang malapit sa Taal at nakaapekto rin sa ilang lugar sa Kamaynilaan, Cavite at Laguna.
Ilang araw na ang nakararaan pero hanggang ngayon ay wala pa ring kasiguruhan ang kalagayan ng mga nasalanta nating kababayan. At maliban sa mga ipinagkakaloob nating tulong sa kanila, sana ay patuloy nating ipagdasal at hilingin ang kanilang kaligtasan.
Nagpapasalamat tayo sa mga ahensiyang nakatutok sa kalagayan ng mga kababayan natin kabilang ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at Department of Health (DOH), gayundin sa mga pamahalaang lokal ng mga bayang lubhang naapektuhan dahil tiniyak nilang nabibigyan ng kaukulang tulong ang kani-kanilang nasasakupan.
Tayo sa Senado ay may inihaing panukalang-batas. Ang Senate Bill 331 na naglalayong magtatag ng Department of Disaster Resilience.
Malaki ang suportang ipinagkakaloob ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukala dahil ito ay naglalayong maihanda ang publiko sa posibleng pananalanta ng kalamidad.
Nilalayon ding sapilitang ilikas ang mga kababayan nating lubhang nasalanta o masasalanta ng anumang trahedya.
Ang naturang departamento ang mangunguna sa paglilikas at pagliligtas sa mamamayan. Ito rin ang ahensiyang mamumuno sa rehabilitasyon at pagsiguro sa kaligtasan ng mga apektadong lugar.
Muli, tayo ay nananawagan sa ating mga kababayan na kung maaari ay magpaabot tayo ng tulong sa mga nasalanta, kaakibat ng malalim na pagdarasal para sa kanilang kaligtasan.
***
Tuluy-tuloy na ang paglalayag ng Pasig River Ferry system ngayong taon dahil napaglaanan na ito ng pondo sa ilalim ng 2020 GAA o 2020 National Budget.
Sa natanggap na alokasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nakapaloob ang P176 milyong budget para sa mas pinalawak na operasyon ng naturang ferry system.
Napakalaking tulong ito sa mga komyuter dahil kahit paano ay makaiiwas na sila sa napakasikip na daloy ng trapiko.
Sa nasabing halaga, bibili ang MMDA ng apat na bagong 50-seater air-conditioned ferry boats bilang dagdag sa kasalukuyang 9 na iba pa. Ang nakalulungkot, sa nasabi nating siyam na naunang ferry boats, dalawa lang ang maayos at nagagamit.
Siguro naman, lahat tayo ay napapansin natin na parang wala na talagang lunas ang trapiko. Ang ferry system ang nakikita nating isa sa mga epektibong paraan upang maresolba ito.
Dahil under construction pa ang skyway system na pangunahing programa ng gobyerno kontra traffic, ferry system muna ang maaaring gawing alternatibo.
Para sa mga interesadong gumamit sa ferry boats, mayroon tayong 11 operational ferry stations sa kahabaan ng Pasig River.
Magandang serbisyo ito sa mga pasaherong ang ruta ay Pasig-Mandaluyong-Makati-Manila.





Comments