top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Mabubuting loob, biglang dumami sa panahon ng trahedya

  • Bong Revilla
  • Jan 17, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Maraming pagkakataon na ang mga Pinoy ay hindi nagkakasundo ang mga opinyon sa mga bagay-bagay lalo pa kung ito ay tungkol sa usaping-pulitika na hating-hati ang ating mga kababayan.

Kilala rin ang ating mga kababayan na hindi nagpapahuli sa mga pagtatalo at pagbibigay ng mga komento sa kahit anong isyu dahil sa tila hindi tayo mapakali kung hindi mananaig ang ating katwiran.

Idagdag pa natin ang ilan nating kababayan na walang magawang mabuti kung hindi ang gawing katatawanan pa ang pagsabog ng Bulkang Taal na nasa Alert Level 4 pa lang ay biglang nag-post ng fake news na Alert Level 5 na raw.

Ang resulta, marami sa mga kababayan natin na nagsilikas dahil sa sunud-sunod na pagsabog ang lalo pang nataranta dahil kahit pagod na pagod na ay nagsilikas pa ng papalayo dahil sa fake news na kumalat sa social media.

Hindi natin alam kung bakit may mga kababayan tayong walang kunsensiya at tila nagdiriwang pa kapag nakakaperhuwisyo ng kapwa sa ginagawa nilang pagbatikos sa social media.

Pero muli ay napatunayan na naman nating mas maraming Pinoy ang umiiral ang tunay na pagka-Pilipino kapag may trahedyang nagaganap sa ating bansa at kinakailangan ang ating pagkakaisa.

Tulad na lamang nang magtungo kami sa mga nasalanta ng Bulkang Taal, dala namin ang may sampung truck ng relief goods at nagmamadali kami dahil alam namin ang kanilang pangangailangan.

Bahagi ito ng ating ‘Kaagapay sa Araw ng Pangangailangan’ (KAP) Program kaya agad naming binaybay ang putikang bayan sa Cavite tulad ng Amadeo, Alfonso, Gen. Emilio Aguinaldo, Mendez at Magallanes, ganundin sa Balayan, Calaca, Tuy, Sta. Teresita, Taal at iba pang bahagi ng Batangas kung saan libu-libo ang ating natulungan.

Pero laking-gulat ko kasi parang nag-usap-usap ang ating mga kababayan dahil hindi lang ako ang gumagawa ng pamamahagi ng relief goods kundi maging ang mga pamilya na may kapasidad na tumulong ay namamahagi rin.

Nakakaluha na dagsa ang pagdating ng mga tulong galing sa pribadong sektor at indibidwal na wala talagang ibang motibo kundi ang tumulong nang bukal sa kanilang kalooban.

Kunsabagay, maraming ulit na naman nating napatunayan na sa kagipitan ay palaging nakikita ang pagkakaisa ng ating mga kababayan at naniniwala tayong marami pa rin sa atin ang umiiral ang tunay na dugo ng ating lahi.

Kung may mga maiitim man ang budhi na hindi na nakatutulong sa sitwasyon ay nagagawa pang mag-post sa social media ng mga fake news para lumala ang sitwasyon ay mangilan-ngilan lang naman ang mga ‘yan.

Huwag natin silang pansinin, bagkus ay sama-sama tayong manalangin, babangon din tayo mula sa unos na ito, kasama kasing ibinuga ng bulkan ang mga maiitim ang budhi na nagpo-post ng kung anu-ano sa social media.

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page