top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Gamot na for sale online, hindi safe, bawal!

  • Bong Revilla
  • Jan 15, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Usung-uso ngayon ang mga online shopping dahil bukod sa mas mura nilang iniaalok ang mga produkto ay napakaraming propaganda hinggil dito na sapat para maengganyo ang mga mamimili.

Pero dapat mag-ingat dahil bukod sa marami na ang nagrereklamo hinggil sa mga pekeng produkto ay napatunayang hindi ito kasingganda sa personal kumpara sa nakaeengganyong display online tulad ng in-order na tuwalya, pero pagdating ay face towel lang pala.

At heto pa, kamakailan lamang ay pinagmulta ng Food and Drugs Administration (FDA) ang mga sikat na online stores dahil sa pagbebenta ng gamot nang walang awtorisasyon mula sa ahensiya.

Dahil sa dami ng reklamong natatanggap ng FDA ay agad silang nagsagawa ng imbestigasyon at pinagpaliwanag ang mga inirereklamong online store na walang karapatang magbenta ng gamot online.

May tatlong online selling platforms na pinatawan ng multa na nagsimula sa P100,000 hanggang P500,000 depende kung gaano karami at kung anong klase ng gamot ang kanilang iniaalok online.

May mga botika rin na binigyang-babala ng FDA na ipasasara o tatanggalan ng lisensiya dahil sa patuloy na pagbebenta ng gamot online kahit hindi pinapayagan ng batas.

Marami sa mga online stores ay walang license to operate at maging ang mga botika na may physical store ay kasalukuyang mino-monitor ng FDA dahil marami umano sa mga ito ang patuloy na nagpapalusot online.

Sa mga kababayan nating mahilig sa online shopping, puwede naman kayong tumawag o um-order sa mga botika pero personal ninyong kukunin sa botika ang mga gamot na nais ninyong bilhin.

Bawal ding magbayad online dahil unang-una, kailangang makita ng registered pharmacist ang reseta para masigurong tama ang gamot at ikalawa ay matiyak na nasa tamang storage at pag-iingat ang mga ito.

Mariin ang utos ng FDA na dapat ang mga botika ay magbebenta ng gamot sa kani-kanilang mga tindahan lamang at huwag nang tangkain pang mag-alok online.

Nakababahala na posibleng ang mabiling gamot online ay magdulot ng seryosong side-effects at health problems dahil maaaring makontaminado ang mga gamot sa gitna ng biyahe at walang tamang imbakan.

Higit sa lahat, puwedeng ang mabili ninyong gamot online ay tulad ng nabibili sa botika ngunit, walang garantiyang ito ay tunay dahil sa dami ng mga nagkalat na pekeng produkto sa bansa.

Sana, huwag kayong malito na ang pinapayagan lamang ng FDA ay ang online ordering services kung ang nagbebenta ay may existing FDA-licensed pharmacy o kung isa itong accredited na botika na may physical address.

Pagdating sa kalusugan, tiyakin ninyong huwag kayong tatamad-tamad, huwag ninyong ipagkatiwala sa delivery o online shopping ang mga ito dahil malaki ang tsansa na mapahamak ang inyong kaanak na may sakit.

Nakita n’yo naman, ang mga sikat na online stores ang kinastigo ng FDA dahil sa pagbebenta ng gamot, pero walang sapat na dokumento.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page