top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Bulkang Taal, tuloy sa pagputok, mga Pinoy, laban pa rin!

Korina Sanchez
Jan 15, 2020
2 min read

Ang matao at abalang mga lugar sa Region IV-A, partikular sa Batangas ay nagmistulang ‘ghost town’ dahil halos wala nang makikitang tao sa kalsada na zero visibility na rin dahil sa kapal ng ashfall na bumalot sa paligid.

Ang lalawigan ng Batangas ay kasalukuyang nasa ilalim ng state of calamity dulot ng ilang araw na pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Sa pag-antabay natin sa balita at updates sa radyo at TV, bukod sa mga kababayan natin na halos sarili lamang ang dala sa mga evacuation center, isa sa mga kalunus-lunos ay ang sitwasyon ng mga hayop na naiwan ng kani-kanilang amo dahil sa pagkataranta o anumang dahilan.

Samantala, umabot na ang ashfall sa mga karatig-lalawigan ng Batangas kasama ang Metro Manila. Kasabay nito, dumagsa ang mamamayan na nagnanais makabili ng face masks, partikular ang N95 dahil kung hindi ay malalagay sa alanganin ang kanilang kalusugan kaya naman, nagkaubusan na ng stock sa mga botika, health center at iba pa na puwedeng mapagkuhanan nito.

Pero ang nakadidismaya, nakisabay pa ang mga abusado — sinamantala ng mga ganid na negosyante ang pangangailangan dahil mataas ang demand — itinaas din nila ang presyuhan nito. Tsk!

Habang isinusulat natin ang pitak na ito ay kasalukuyang nasa Alert Level 4 pa rin ang Bulkang Taal.

Sa kabila ng tila hindi matapus-tapos na problema, tandaan na napakarami nang kalamidad ang sumubok sa ating mga Pinoy, pero dahil likas tayong matatag, hindi tayo natalo ng mga sakuna, bagkus ay lalo nitong pinatibay ang ating loob na bitbit natin sa pagharap sa panibagong bukas. Sana, magpatuloy ang katatagang ito hanggang sa makabangon tayong muli mula sa panibagong trahedya na kinahaharap natin ngayon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page