Bayad muna bago gamutan sa pribadong ospital, pera-pera na lang talaga!

Nakatanggap kami ng reklamo tungkol sa kilalang ospital. Ang eksena, isinugod sa ospital ang 29-anyos na pasyente dahil sa pagtatangkang mag-suicide.
Kuwento ng pamilya nito, Enero 12, 2020 naganap ang insidente at unang isinugod ang biktima sa Mental Hospital sa Mandaluyong, bandang alas-9:30 ng gabi, pero dahil hindi nagustuhan ng pamilya ang lugar, gayundin, kailangang masuri ang katawan ng pasyente, lumipat sila sa University of Sto. Tomas (UST) Hospital (alas-11:00 ng gabi hanggang alas-12:00 ng hatinggabi) at nakapasok naman sa emergency room.
Kinausap ng doktor ang pasyente tungkol sa insidente. Gayundin, gusto umano nilang kumuha ng ward room dahil mas mura, pero ayon sa ospital, walang charity sa mga oras na ‘yun.
Tinanong ng doktor kung may health card ang pasyente at nang sinabing PhilHealth lang ang meron, sinabi ng doktor na maliit na halaga lang ang makukuha roon.
Sa pagkakataong ‘yun, naramdaman nila na pera lang ang habol ng ospital sa kanila.
Giit pa ng doktor, kailangang magsagawa ng mga lab test at kabilang na rito ang endoscopy na nagkakahalagang P15, 000, CT scan na P20, 000 at iba pa na kung susumahin ay aabot sa P50, 000 ang dapat nilang bayaran na bukod pa sa doctor’s fee.
Nakiusap umano ang pamilya na sa labas ng ospital na lang gawin ang mga lab test, pero tumanggi ang doktor dahil kailangan umanong maisagawa agad ang tests sa ospital mismo at para maisagawa, kailangang bayaran agad ang hinihinging halaga.
Dahil sa insidente, minabuti ng pamilya na lumipat ulit ng ospital at pumunta sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERMMMC) kung saan maayos na naisagawa ang mga test sa pasyente at na-confine.
Ano namang problema kung maliit na halaga ang makukuha sa PhilHealth? Hindi ba, dapat maasikaso at masiguradong ligtas muna ang pasyente bago magbilangan ng kailangang bayaran?
Pera-pera na lang ba talaga? ‘Yung tipong nag-aagaw-buhay na ang pasyente, pero kailangan munang maglabas ng pera bago asikasuhin.
Ano ba ang prayoridad, kaligtasan ng pasyente o perang mapupunta sa ospital? ‘Wag naman sanang ganito, ‘wag nating hayaan na may mawalang buhay dahil lang sa pagiging gahaman sa pera.
Anuman ang estado sa buhay ng pasyente, pahalagahan natin ito dahil ‘yung mga bayarin, makapaghihintay, pero ang buhay na nawala, hindi na maibabalik pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments