Mahihilig sa pogi, target ng suspek na nakikipagkilala sa dating site, nagyayaya ng date, magnanakaw
- Jun R. Guillermo
- Jan 14, 2020
- 2 min read

Mga ka-BULGAR, mahilig ba kayo sa mga pogi o malalakas ang dating na nakilala lang ninyo sa social media?
P'wes, para sa inyo ito dahil pinag-iingat ng inyong lingkod ang mga nawiwili o naaaliw sa social media, partikular sa dating sites, dahil gumagala ang isang hinayupak na lalaki na magaling mambola kung saan ito ang modus ng mokong na ito.
Sa ulat na nakalap natin mula sa kapulisan ng Malabon, nagkakilala ang suspek at biktima sa dating site. Dahil sa pambobola ng suspek ay agad bumigay ang biktima at pumayag na makipagkita sa isang fastfood chain.
Nang magkita at magkausap, may kung anong hipnotismo na ginawa ang suspek sa biktima, kaya agad naman itong sumama nang yayain na mag-check-in sila sa isang hotel sa Malabon at isang oras silang namalagi roon.
Ang sunod na ginawa ng demonyong suspek ay nagyayang kumain sa labas ng hotel at sinabihan ang biktima na iwan na lang ang kanyang mga gamit dahil babalik din sila pagkatapos kumain.
Sa isang fastfood chain na malayo sa hotel dinala ng suspek ang biktima at habang hinihintay ang kanilang order ay agad nagpaalam ang suspek na pupunta lang sa CR. Subalit, makalipas ang 45 minuto ay hindi pa bumabalik ang balasubas na suspek kaya napagdesisyunan ng biktima na bumalik na ng hotel. Ngunit, laking-gulat ng biktima dahil wala na ang kanyang mga mahahalaga at personal na gamit tulad ng gadgets, relos, ATM cards, pera at iba pa.
Ayon sa kapulisan ng Malabon at sa ulat ni PMSSg. Julius Mabasa, modus ng isang alyas Kirby Villanueva na gamitin ang kanyang hitsura at mabulaklak na pananalita para lamang makapanloko ng babaeng “bumibigay” sa kanya.
Dagdag pa rito, may kahalintulad na insidente rin ang modus ng demonyong suspek sa Maynila at Pasay kaya pinag-iingat ang taumbayan sakaling makita at gusto kayong biktimahin ng suspek sa pamamagitan ng dating sites. Agad i-report sa awtoridad ang modus na ito.
Mag-ingat, kababaihan!
Ikaw kaibigan, anong say mo?
Palaging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!




Comments