top of page
Pokwang.jpg

Magsanoc, makatutulong bilang mentor sa FIBA 3x3

VA
Jan 14, 2020
1 min read

Napili ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang kanilang 3×3 program director na si Ronnie Magsanoc para maging head coach ng national team na isasabak ng bansa sa 2020 FIBA 3X3 Olympic Qualifying Tournament na gaganapin sa Marso 18-22 sa India.

Nakakadalawang taon pa lang halos nang mapasok sa 3x3 program, si Magsanoc ang head coach ng Gilas Pilipinas 3×3 team na nagwagi ng gold medal sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.

Bago ang nasabing SEA Games stint, walang naipanalo ang hinawakang koponan ni Magsanoc sa 2018 FIBA 3X3 Shanghai Challenger at hindi nakaabot ng playoffs sa 2018 FIBA 3×3 U23 World Cup. Hindi rin pumasok sa main draw ang ginabayan niyang junior squad sa 2019 FIBA 3X3 Asia Cup.

Mula pa noong nakaraang Disyembre ay nagsasanay na ang mga miyembro ng 3x3 national pool sa ilalim nina Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 commissioner Eric Altamirano, Liman ace at China head coach Stefan Stojacic at Serbian strength and conditioning coach Darko Krosman.

Kabilang ang Pilipinas sa Pool C ng torneo na may nakalaang tatlong slots para sa 2020 Tokyo Olympics kung saan kasama nila ang koponan ng mga bansang Slovenia, France, Qatar at Dominican Republic.

Kaugnay nito, inihayag na rin ang mga bumubuo sa national pool para sa FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament.

Nangunguna sa kanila ang top two 3x3 players ng bansa na sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol.

Kabilang din sa pool kung saan kukunin ang final line up para sa OQT sina Dylan Ababou, Karl Dehesa, Santi Santillan, Chris De Chavez, Gab Banal, Jaypee Belencion, Leo De Vera at Ryan Monteclaro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page