Libreng kolehiyo, hindi pa rin 100% naipatutupad sa Pilipinas, CHED gising!
- Kuya Win Gatchalian
- Jan 14, 2020
- 2 min read

Dalawang taon na ang nakararaan mula nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ating panukalang Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017 o mas kilala bilang Free Higher Education.
Ang mahalagang tanong ngayon, ano na ang estado ng implementasyon nito sa bansa? Halimbawa, sa kaso ng local universities and colleges (LUCs), nakapag-accredit na ba ang lahat ng 118 LUCs? Naipatutupad ba ang pamimigay ng libreng matrikula nang naaayon sa nilalaman ng batas? Sa ilalim ng batas, kailangang magpa-accredit ang LUCs at sumunod sa mga pamantayan at polisiya ng Commission on Higher Education (CHED) upang makapag-alok ang mga ito ng libreng kolehiyo.
Kamakailan, nagkaroon ng kasunduan ang CHED at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFast) sa 27 LUCs sa bansa para mabigyan pa ang mas maraming estudyante sa kolehiyo ng libreng matrikula para sa School Year 2019-2021.
Maliban sa libreng matrikula, maaari na ring magbigay ang LUCs ng iba pang tulong-pinansiyal sa mga nangangailangang estudyante. Nauna na ang implementasyon ng batas sa 76 na LUCs.
Pero, paano masusulit ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang ang benepisyo ng batas kung hindi pa ito epektibo sa marami pang kolehiyo at unibersidad?
Dahil dito, tayo ay nananawagan sa CHED na himukin ang ilan pang nalalabing LUCs na sumunod na rin.
Tandaan, makabuluhan ang papel ng LUCs upang gawing abot-kaya ang de-kalidad na edukasyon. Kung masisiguro nating may kakayahan ang mga paaralang ito na magbigay ng libreng edukasyon, tiyak na mas marami tayong matutulungang kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa na makapagtapos at magkaroon ng maayos na kinabukasan.
Ang layunin natin ay masigurong naipatutupad nang wasto ang batas upang makinabang ang bawat kabataang Pinoy.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, patuloy na babantayan ng inyong lingkod ang progreso ng layuning ito upang masiguro na makapapasok ang mga estudyante sa mga paaralang accredited ng CHED, hindi lamang sa LUCs kundi maging sa state universities and colleges (SUCs) at technical vocational schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments