top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Iran, hindi dapat palampasin sa wow maling pagpapasabog sa eroplano ng Ukraine

Korina Sanchez
Jan 14, 2020
2 min read

Inamin na ng Iran na sila ang nagpabagsak ng airliner ng Ukraine sa kasagsagan ng pagpapakawala nila ng mahigit 12 missiles sa U.S. bases sa Iraq bilang ganti sa pagpatay kay Maj. Gen. Qassem Soleimani.

Inamin ng isang heneral sa Iran na hindi makontak ng operator ng missile ang piloto ng eroplano na lumilipad sa loob ng danger zone kaya nagdesisyon ang operator na pabagsakin na ito sa pamamagitan ng missile.

Huli na nang nadiskubreng mga sibilyan ang sakay ng nasabing eroplano na kanilang pinabagsak kung saan ang mga pasahero at tauhan nito ay napatay lahat.

Hindi raw sinadya ang trahedyang nangyari sa Ukrainian airliner. Para namang may konsuwelo ‘yan sa pamilya o mga kamag-anak ng mga namatay na pasahero.

Karamihan sa mga pasahero ay Canadian kaya nananawagan ngayon ang pamahalaan ng Canada ng hustisya. Hindi ito ang unang beses o insidente kung saan nagkamali ng pinabagsak ang militar.

Gayunman, hangad natin na mapanagot ang mga responsable sa insidenteng ito. Hindi biro ang usapin tungkol sa pagkitil ng buhay — sinadya man ito o hindi. Sana, sa lalong madaling panahon ay makuha ng mga biktima at kanilang pamilya ang hustisya.

◘◘◘

Sa pinakabagong pagsusuri ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre, lumabas na karamihan sa mga Pinoy ay naniniwalang marami pa ring “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa ilegal na droga.

Ayon sa survey, 78% ang naniniwalang may mga pulis pa rin ang nakikinabang sa pagbebenta ng ilegal na droga. Ito ang hindi magandang imahe ng Philippine National Police (PNP) na kailangan nilang tanggalin.

Marahil, ito ang resulta ng malaking kontrobersiya kung saan nasangkot si dating PNP Chief Gen. Oscar Albayalde.

Dapat ipakita ng PNP sa publiko na lahat ng kanilang nahuhuli o nakukumpiskang ilegal na droga ay sinisira para hindi magamit. Huwag lamang nila itong basta iulat na may nahuli.

Mahalaga ang kredibilidad sa anumang propesyon, partikular sa kapulisan kaya ito ang dapat nilang ingatan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page