top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Que, nakaresbak para sa 6th place ng HK open

Eddie M. Paez, Jr.
Jan 13, 2020
2 min read

Nagsimula sa tamang alagwa ang planong pagresbak sa Asian Golf Tour ng premyadong Pinoy golfer na si Angelo Que matapos itong kumartada ng 3-under-par 67 para makisosyo sa pang-anim na puwesto sa 2020 Hongkong Open sa greens ng Hongkong Golf Club sa Lungsod ng Fanling, Hongkong.

Namulot si Que ng mga birdies sa pang-11, -13, -15 at -18 na mga butas upang makontra ang isang bogey sa hole no. 5 at ilagay ang sarili sa magandang posisyon tungo sa isang podium finish sa unang torneo ng malupit na tour ngayong 2020. Kasama ni Que sa pang-anim na puwesto sina Gunn Charoenkul ng Thailand, ang Indian shotmaker na si Ajeetesh Sandhu, South Korean Joohyung Kim, ang Intsik na si Guxin Chen at isang Thai gem sa katauhan ni Prom Meesawat.

Abot-tanaw ng 42-anyos na Pinoy ang lead pack dahil dalawang palo lang ang layo ni Que sa mga tumatrangkong sina Australian Wade Ormsby at Tomoharu Otsuki ng Japan. Isang stroke sa harap ni Que ang troika nina Yikeun Chang (South Korea), David Gleeson (Australia) at Travis Smyth (Australia) na naghahati sa pangatlong baytang.

Matatandaang nahablot ni Que ang karapatang lumahok sa torneong naglalaan ng $1,000,000 cash pot para sa mga papasok sa winners’ circle nang maging bahagi siya ng listahan ng mga parbusters na nasa Cat 10 Top 20 Cumulative Career Money Earnings. Siya ay nasa pang-340 na puwesto sa world rankings.

Samantala, nasa hindi kalayuan ang kapwa Pinoy na si Miguel Tabuena, sariwa sa isang top 10 finish sa Thailand Masters noong Disyembre sa Pattaya, Thailand, dahil sa naisumite nitong even par 70. Tatlong birdies at tatlong bogeys ang mga naging dekorasyon ng kanyang laro sa kompetisyong umaakit ng 120 piling golfers mula sa iba’t-ibang parte ng mundo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page