Dahilan ng kidney stones at mga pagkaing dapat iwasan
- Shane Ludovice
- Jan 13, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Nagkaroon ng kidney stone ang nanay ko at dahil dito ay naoperahan siya. Paano ba maiiwasan ang pagkakaroon ng kidney stone? Nakita ko kung paano siya nahirapan sa sakit niya kaya ayokong magkaroon nito. Pero malakas ako sa maaalat na pagkain, nakasasama ba ‘yun? — Janna
Sagot Ayon sa National Kidney Foundation, isa sa kada sampung tao ay maaaring makaranas ng kidney stones. Matinding sakit ang nararamdaman ng mga nakararanas nito, una na ang hirap sa pag-ihi. Mabuti na lamang at maraming paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng kidney stone o bato.

Malaki ang role ng lifestyle change at diet sa pagkakaroon ng kidney stone. Tulad ng karamihan sa mga sakit, malaki ang naitutulong ng tamang diet sa pag-iwas sa kondisyong ito.
Ang kidney stone ay nagmumula sa pagkabuo ng ilang crystals mula sa mga kemikal na sinasala sa ihi. Kapag ito ay naipon ay saka lalaki ang mga crystals. Kapag tuluyang lumaki ang mga ito, babara ito sa urinary tract ng tao na magreresulta sa hirap at masakit na pag-ihi.
Karamihan ng mga kidney stone ay nagmumula sa calcium na humahalo sa oxalate o phosphorous. May isa pang klase ng kidney stone na namumuo naman mula sa uric acid na resulta ng pag-metabolize ng protina sa katawan.
Narito ang mga paraan para maiwasan ito:
Manatiling hydrated o ugaliing uminom ng maraming tubig.
Bawasan ang mga pagkaing mataas sa sodium o ‘yung maaalat na pagkain.
Limitahan ang pagkain ng animal protein o beef, bacon, ham at iba pang karne.
Gayunman, maraming uri ng pagkain na maaaring makapagdulot ng pagkabuo ng kidney stone sa katawan. Ang chocolate, tsaa at mani ay mayaman sa oxalate, samantalang, ang softdrinks naman ay mataas ang phosphate, pareho silang makapagbubuo ng kidney stones.
Tandaan, na hindi kailangang tuluyang iwasan ang mga nabanggit na pagkain, bagkus ay tamang disiplina o sapat lamang ang dapat na pagkonsumo sa mga ito.




Comments