top of page

‘Wag nang magbulag-bulagan, mga sis... Signs na niloloko ka ng BF mo

  • Twincle Esquierdo
  • Jan 13, 2020
  • 3 min read

Tayong mga babae ang madalas nakararamdam kung nanlalamig o may ginagawang kalokohan ang ating boyfriend dahil malakas ang ating kutob o hinala. Ito ang tinatawag nating “girl’s instinct” at kapag gumana ito, sinisimulan na nating imbestigahan ang ating karelasyon, gayundin, madalas itong tama.

Kaya sa mga babaeng nakadarama ng ganito, ‘wag na kayong magbulag-bulagan pa. Deserve n’yong mahalin at respetuhin, hindi sirain. Narito ang mga paraan para malaman kung niloloko ka ng iyong karelasyon:

1. UMIIWAS NA SIYA. Ito ang unang senyales na mapapansin n’yo sa inyong partner. ‘Yung tipong hindi ka niya kinakausap kahit may oras naman siya at kahit magkasama kayo, pakiramdam mo ay nag-iisa ka lang dahil wala sa iyo ang atensiyon.

2. COLD SIYA. Well, normal lang naman sa mga magkarelasyon ang may mga ganitong kaganapan tulad ng hindi masyadong paglalambingan, pagsasabi ng malalambing na salita at marami pang iba, ngunit kung napapansin mong madalas ang kawalan niya ng gana sa mga bagay na ito, magtaka ka na at alamin kung bakit siya ganito upang maliwanagan ang isip mo.

3. Walang pakialam. Alam natin na ang mga magkarelasyon ay may pakialam sa bawat isa, inaalam ang kalagayan at iniintindi ang sitwasyon ng kanilang partner. Pero kung salungat ang nangyayari sa inyo at hinahayaan ka niyang harapin ang mga problema mo nang mag-isa, senyales na ito na nawawala na ang emotional support niya sa'yo.

4. PAKIRAMDAM MO AY WALA KANG HALAGA. Pinakamasakit na siguro ang maramdaman ng isang tao na wala siyang halaga, lalo na sa buhay ng taong minamahal niya. Ngunit kung iyong aalamin ang dahilan nito, siguradong puwede pa siyang magbago, pero kung wala pa rin at patuloy niyang ipinararamdam ito sa iyo, ikaw na mismo ang dapat tumapos ng inyong relasyon para sa iyong kapakanan.

5. BINAGO KA NIYA. Kung talagang mahal ka ng isang tao, tatanggapin ka niya kung ano at sino ka. Hindi ‘yung babaguhin ka niya para lang bumagay sa mundo niya. Lahat tayo ay may kani-kanyang personalidad at uniqueness. Kung binabago ka niya, siguradong mahihirapan ka at mararamdamang tila nasasakal ka sa kanya.

6. HUMIHINGI NG PASENSIYA PERO HINDI NAGBABAGO. Sabi nila, changed behavior is the best apology, ibig sabihin, sa halip na simpleng paghingi ng tawad sa nagawang kasalanan, mas mabuting hindi na lamang ulitin ang maling nagawa. Subalit, kung ang iyong kasintahan ay humihingi lang ng tawad sa kasalanang paulit-ulit niyang ginagawa, mag-isip ka na kung talaga bang may pagpapahalaga sa iyo ang taong ito.

7. HINDI NAKIKIPAG-USAP. Kapag hindi siya sumasagot sa mga text, tawag o chat, masasabing walang panahon sa iyo. Tama naman na may mga pagkakataon na nasa iyo ang atensiyon at oras niya dahil may sarili siyang buhay, subalit, kung palaging ganito ang nangyayari, iba na ang ibig sabihin. Ang taong may interes sa iyo ay gagawa ng paraan upang magkaroon ng oras sa iyo hindi kung kailan lang niya gusto.

8. MAYROON NA SIYANG IBA. Kung nararanasan mo na ang mga nabanggit sa itaas, umasa ka na rin na siya ay mayroon nang iba. ‘Ika nga, isa sa mga nagpapatatag sa relasyon ay ang katapatan sa isa’t isa, pero kung nararamdaman mong meron na siyang iba, pinatutunayan nito na wala nang patutunguhan ang inyong relasyon. Wala na siyang interes sa iyo kaya naghanap siya ng iba.

‘Ika nga, kapag may duda, mag-imbestiga. Wala kayong mapapala kung magbubulag-bulagan kayo dahil kayo rin ang mahihirapan at masasaktan. Minsan, ang pagmamahal ay nagreresulta ng selflesness dahil iniisip natin ang mararamdaman ng iba kaysa sa ating sarili. Kaya mga besh, ‘wag kayong magpaloko sa mga taong hindi seryoso. At para naman sa lahat, kung hindi n’yo kayang magpaka-loyal at mag-commit, ‘wag nang sumabak sa pakikipagrelasyon dahil malaking damage lang ang maaari nitong ibigay sa taong tunay na nagmamahal sa inyo. Copy?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page