Reklamo ng mga deboto nu’ng Traslacion, talupan — Simbahan

Iimbestigahan ng Simbahan ang reklamo ng ilang deboto kaugnay sa ginawang Traslacion para sa Poong Itim na Nazareno.
Ayon kay Quiapo Church Rector Monsignor Hernando Coronel, lahat ng reklamo ay kanilang pakikinggan para magawan ng karampatang aksiyon.
Sa pamamagitan nito, hindi na aniya ito mauulit sa susunod na Traslacion.
“We will listen to all of them. It is a learning experience for all of us. What is applicable, we could apply. What is not we have to learn from that,” pahayag ni Coronel.
Kaugnay nito, sinabi ni Coronel na ang Traslacion 2020, na dinaluhan ng tinatayang mahigit tatlong milyong deboto ang pinakamabilis at pinakamaayos na prusisyon para sa Poong Nazareno. Ang Traslacion 2020 ay inabot lamang ng mahigit 16 oras.
Matatandaang, binago at pinaikli ng mga organizers ang ruta ng Traslacion at mga pulis ang nagbantay sa Andas nito.
Paglilinaw naman ni Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Douglas Badong, ang “Andas wall” na kanilang inilagay ay hindi upang pigilan ang mga deboto sa paglapit sa imahen ng Black Nazarene, kundi upang matiyak lamang na magiging mapayapa at maayos ang prusisyon. Sinang-ayunan naman ito ni Coronel at sinabing naging generally peaceful at orderly ang relihiyosong aktibidad dahil sa pagtutulungan ng Simbahan at ng mga ahensiya ng pamahalaan.





Comments