Online lending company, nangha-harass na sa paniningil, namamahiya pa
- Ryan B. Sison
- Jan 12, 2020
- 2 min read

Noong nakaraang taon, naging matunog ang online lending applications dahil sa patung-patong na reklamo ng mga gumamit nito.
Maraming nagsasabing ipinapahiya sila ng lending company kapag hindi sila nakakapagbayad sa tamang oras.
Anila, dahil may access ang application sa kanilang contacts, madali nitong naite-text o natatawagan ang laman ng kanilang contact list para sabihing may malaking utang ang mga ito.
Kaugnay nito, nauwi sa bangungot ang simpleng pangungutang ng isang ginang matapos makunan dahil sa stress at depresyon na dulot ng pangha-harass sa kanya ng online lending company na hindi agad nabayaran.
Kuwento ng biktima, nakita niya ang lending company sa social media tulad ng Facebook at Messenger at pagkatapos mag-sign-up, nagkaroon ng access ang kumpanya sa kanyang contact list.
Aniya, P7,560 ang inisyal niyang utang, pero babayaran niya ito ng P10,000. Hindi niya agad ito nabayaran dahil nag-overdue siya ng walong araw kaya naging P19,000 ang kanyang utang.
Simula nito, nagsimula ang pangha-harass ng kumpanya sa biktima sa pamamagitan ng pagbibigay ng abiso sa kanyang contacts. Kino-contact ng kumpanya ang mga pangalan sa kanyang contact list at sinasabing kasama sila sa idedemanda.
Dahil dito, nakaranas siya ng matinding trauma, gayundin, nagkaroon siya ng depresyon, hindi makapagtrabaho nang maayos at nahirapang humarap sa mga kakilala dahil sa sobrang kahihiyan.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad na maging maingat sa mga ginagamit na applications, lalo na kung humihingi ito ng access sa iyong contacts sa cellphone.
Nakakalungkot, kailangan pang humantong sa trauma at labis na kahihiyan ang panghihiram ng pera.
Minsan naman, walang choice ‘yung iba. ‘Yung tipong kapag walang malapitan na kamag-anak o kaibigan, pumapatol na sa ganitong mga pautang kahit mataas na interest ang nakaabang.
Paalala natin sa publiko, maging responsable tayo sa ating obligasyon. Kung pinautang, magbayad agad para hindi mauwi sa nakaka-stress na sitwasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments