Athletics, sa Tokyo 2020 Olympics, may ayuda sa PSC

Nakipagpulong si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez sa pamunuan ng Philippine Athletics Track and Field Association Inc. (PATAFA) upang ipagbigay-alam ang buong suporta ng ahensiya para sa pambansang atleta nito para sa 2020 Tokyo Olympics.
Inilahad ng ahensiya ng pampalakasan kay Patafa chief Philip Ella Juico ang mga partikular na bagay hinggil sa mga tulong na maaaring maibigay para sa pagpapaunlad ng programa ng mga Pole Vaulters na sina Ernest “EJ” Obiena at new sensation Natalie Uy, sprinter-hurdler Eric Cray, runner Kristina Knott, shot putter Willie Morrison at pinakabagong pambato ng bansa sa marathon na si Christine Hallasgo.
Ang 24-anyos na si Obiena ang may pinakamalaking tsansa na makapag-uwi ng Olympic medal sa mga nabanggit na manlalaro dahil sa kasalukuyang ranggo nito sa buong mundo na 14 sa panibagong lagay ng estado.
Kinuha ni Obiena ang kauna-unahang silya ng bansa para sa Summer Games sa Tokyo, Japan ng makuha nito ang 5.81 meters na marka sa torneong ginanap sa Chiara, Italy noong Setyembre ng nakaraang taon, na sinundan ng record-breaking na gold medal finish sa 30th Southeast Asian Games noong nakalipas na Disyembre. “We have to capitalize on the success of EJ Obiena and other track and field athletes at the 30th SEA Games, and give them full support on their Olympic qualifications,” pahayag ni Ramirez.
Dahil sa tagumpay na natamo ng Athletics sa nakalipas na biennial meet matapos makuha ang ikatlong puwesto sa overall rankings nang hakutin ang 11 golds, 8 silvers at 8 bronze medals. “Our goal is to sustain this momentum in the Olympics and 2021 in Vietnam. We thank the PSC for its support for our athletes,” sambit naman ng dating PSC head na si Juico.





Comments