McCullough, nais maging naturalized player ng Gilas

Nakipag-ugnayan na si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio kay Chris McCullough na nagpapakita ng interes na maging naturalized player ng Gilas Pilipinas para sa mga international na kompetisyon.
Nag-tweet si Panlilio ng “Chris, please DM (direct message) me please” sa kanyang Twitter account na nagsilbing kasagutan niya sa tweet ni McCullough na “I’m on call.” Ito ay may kinalaman sa kagustuhan ni McCullough na maging naturalized player ng Gilas Pilipinas.
Matagal nang nagpapakita ng interes si McCullough na maging naturalized player ng bansa simula pa noong naging import siya ng San Miguel Beermen noong 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Muling nabuhay ang usap-usapan kung sino ang magiging naturalized player ng Gilas Pilipinas matapos ilatag kamakailan ang plano ng SBP para sa Gilas Pilipinas na nakatakdang maglaro sa 2021 FIBA Asia Cup qualifiers na magsisimula sa Pebrero.
Ayon sa SBP, walang plano na italaga muli si Andray Blatche bilang naturalized player matapos maglaro sa bansa ng limang taon.
Tinatarget ng Gilas na magkaroon ng isang pool ng naturalized player para sa kanilang paghahanda patungo sa FIBA Basketball World Cup 2023 na gaganapin sa Pilipinas, Indonesia at Japan.





Comments