top of page
SHEET - CLAUDINE, NAPIKON NA TINAWAG NA BIPOLAR, MAGDEDEMANDA_FB Claudine Barretto.jpeg

Delivery apps online, gamit na gamit sa bentahan ng droga

Ryan B. Sison
Jan 11, 2020
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Dahil mas madali ang transaksiyon ng mga may online business sa tulong ng mga delivery apps, hindi napapansin ng iba ang ilang negatibong epekto nito.

Lubhang nakababahala para sa karamihan, lalo na sa kabataan, ang maluwag na paggamit ng online deliveries o delivery apps saanmang sulok ng bansa.

Kamakailan, tatlo ang naaresto dahil sa umano’y pagtutulak ng “party drugs” sa Parañaque City. Nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga bote ng liquid ecstasy, tableta ng valium at mga pakete ng shabu.

Ang liquid ecstasy ay isang uri ng droga na madalas ginagamit sa mga party kung saan ipinapatak ito sa inumin at dahil ito ay walang amoy at lasa, hindi mapapansin ng sinumang iinom.

Napag-alamang ipinadadala umano ng mga suspek ang mga drogang ito gamit ang mga delivery apps sa kanilang customer o buyer.

Sa totoo lang, maluwag at napakabilis ng proseso ng mga delivery apps dahil walang papeles na hinihingi o ID na dapat ipakita bago magpa-deliver.

Wala ring x-ray machine para ma-detect ang laman ng gustong ipadala dahil tanging address kung saan kukunin at ipadadala ang ibibigay sa delivery apps na iyong mapipili.

Nakalulungkot isipin na ang simpleng paggamit ng internet ay maaaring pagmulan ng malaking problema dahil nagiging daan ito sa bentahan ng droga na nakasisira sa kabataan.

Sa totoo lang, kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran at walang hakbang na gagawin, lalo pang lolobo ang kaso ng kabataang lulong sa ipinagbabawal na gamot.

Bagama’t, nagbabala na ang PDEA sa publiko ng ibayong pag-iingat, partikular sa kabataan na mahilig lumabas at uminom, hindi magiging madali para masawata o mapigilan ang pagkalat ng ‘party drugs’ kung walang mahigpit na panuntunan ang gobyerno sa online deliveries na ginagamit para rito.

Napakaraming paraan ng mga nagtutulak ng ilegal na droga para magawa ang kanilang gusto kaya sana, tayong mamamayan ay maging mapagmatyag at ‘wag matakot magsumbong sa mga awtoridad kapag may napansing kahina-hinala.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page