top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Debosyon sa Traslacion, gawing paraan para magamot ang adiksiyon sa droga

  • Fr. Robert P. Reyes
  • Jan 11, 2020
  • 2 min read

Libu-libong pulis ang nagbantay sa harapan at gilid ng Andas ng imahen ng Itim na Poong Nazareno sa naganap na Traslacion noong Huwebes.

Napansin natin ang presensiya ng kapulisan nitong katatapos lamang na Traslacion 2020. Sa totoo lang, malaking bagay ang serbisyo ng kapulisan upang maiwasan ang gulo at panganib na pagdagsa ng tao.

Malinaw na maaaring magtulungan ang iba’t ibang sektor para sa kapakanan ng nakararami. Maganda ang pagtutulungan ng kapulisan at Simbahan sa mapayapang pagdaraos ng Traslacion. Paniguradong mahabang panahon ang iginugol ni Msgr. Hernando Coronel, Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church at hepe ng kapulisan ng Maynila sa maayos, mapayapa at makabuluhang pagdaraos ng Pista ng Itim na Nazareno.

Kung ganito ang pagtutulungan ng kapulisan at iba’t ibang sektor ng lipunan, posible nating masugpo ang ilegal na droga na talamak sa ating bansa. Kung tulad ng nangyari sa Traslacion, pinag-aralan ang puno’t dulo ng problema ay hindi na kailangan ng anumang marahas na pamamaraan.

Malakas ang debosyon sa Mahal na Itim na Nazareno. Milyun-milyong deboto ang taun-taong nakikiisa sa Traslacion kaya kung mapag-aaralan kung paano maitutuon ang naturang debosyon sa pagsugpo sa problema ng ilegal na droga, malaki ang kabutihang idudulot nito.

Kahanga-hanga ang sakripisyo na handang gawin ng mga deboto sa paghihintay at pakikipagsiksikan para magkaroon ng pagkakataong makalapit sa Itim na Nazareno.

Kung ikukumpara natin ang pagkahumaling ng mga users at pushers sa ilegal na droga ay tulad ng debosyon, meron ding kahawig na enerhiya na humahatak at umaakit sa kanila upang hanapin, sundan at angkinin ito.

Sinisira nito at pinapatay ang buhay ng tao pero ang malalim at malinis na debosyon ay pinagmumulan ng sigla at lakas ng buhay.

Sa sports, may tinatawag na “positive addictions” o ang pagkahumaling sa sports na nagmimistulang adiksiyon, pero sa halip na magkaroon ng hindi magandang epekto, napapabuti at napapaganda ang buhay ng mga nahuhumaling sa larangang ito. Hindi pa huli ang lahat, maaari pang magtulungan tungo sa ikabubuti ng lahat.

Piliin nating bigyan ng positibo at mabuting pagkakahumalingan ang lahat.

Hanapin natin ang gawaing mabuti at positibo tulad ng debosyon sa Itim na Nazareno, maganda na yakapin at kagiliwan ito ng marami upang umunlad hindi lamang ang sarili kundi pati ang buhay ng kanilang kapwa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page