top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

TV networks, para sa datung, gamit na gamit ng mga pekeng produkto

  • Bong Revilla
  • Jan 10, 2020
  • 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Naglipana ngayon ang mga advertisements sa telebisyon na dapat binubusisi ng pamahalaan dahil sa hindi naman totoo ang mga ito at napakarami ng nabibiktima.

Hindi na tayo magbabanggit ng pangalan ng mga produkto para maiwasang sabihin na naninira lamang tayo ngunit, nais nating bigyan ng babala ang ating mga kababayan na huwag magpalinlang sa mga ito.

May pagkakataong halos isang oras ay walang ibang palabas kundi ang iba’t ibang produkto kung saan halos lahat ng mga ito ay nagkukubli sa disclaimer na “no approved therapeutic claims” na kung batas ang pag-uusapan, tila nalusutan na naman nila ang legalidad.

Marami sa cable channels ang hindi gaanong napapansin ngunit, sa kanilang mga istasyon, nagsisiksikan ang mga television advertisements na ipinalalabas pero maraming reklamo ang natatanggap.

Hindi lahat ng ads para sa mga kalbo ay hindi totoo pero maraming TV ads na umano’y pampatubo ng buhok kahit hindi totoo, kaya ang nangyayari ay nadadamay ang ilang lehitimong produkto.

May TV ads hinggil sa mga pandak na umano’y kailangan lamang uminom ng ilang ampoules sa loob ng ilang buwan at tatangkad na raw agad, katunayan may ipinakikita pa silang mga tao na dating pandak at ngayon daw ay tumangkad na.

Kahit sa pampapayat, nagkalat ang TV ads hinggil d’yan na may ibinibenta silang dapat lamang inumin sa loob ng ilang linggo at agad nang papayat, kasabay nito ay may ipinakikita silang dating mataba at ngayon daw ay seksing-seksi na.

Pati ‘yung gamot sa peklat na ang packaging ay nasa tube na parang lalagyan ng ointment na ipapahid lang umano sa peklat at paglipas ng ilang linggo ay mawawala na raw ang naturang peklat.

Kasabay nito ay ipinakikita nila ang malalim na peklat ng babae sa binti bago pahiran at pagkatapos pahiran ay makinis na kaya napakaraming bumibili ngunit, nagsisisi sa huli.

Ang mga sikat na dermatologist sa bansa ay pinatunayan na sa napakaraming talk show na hindi kailanman maaalis ang peklat kahit anong ointment pa ang ipahid maliban na lamang kung isasailalim sa plastic surgery.

May isang set ng tableta na ipinalalabas din sa naturang istasyon tungkol sa pampaputi at tulad ng dati ay ipinakikita nila ang babaeng malungkot dahil maitim ang kanyang balat.

Ngunit, sa pamamagitan lamang nang pag-inom ng naturang gamot ay puputi na ito at muli ay ipakikita ang babaeng masaya na dahil maputi at makinis na ang kanyang balat dahil lamang sa ilang linggong pag-inom ng naturang tableta at walang paliwanag kung ito ay ligtas gamitin.

At napakarami pa ng mga produktong inilalako ng mga television station kahit hindi sila sigurado kung subok ang mga ads na pumapasok sa kanila. Nakadidismaya na hinahayaan nilang ipalabas ang mga ito sa ngalan ng bayad o kikitain nila sa nasabing mga ads.

Sana ay magtulungan ang Department of Trade and Industry (DTI), Food and Drugs Administration (FDA) at ang Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) kung maaari para mahimay kung alin ang totoo at pekeng produkto na inilalako sa telebisyon.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page