Pramis ng DOLE: China, Russia, Canada, Germany at Japan, open para sa mga OFWs galing Iran at Iraq
- Korina Sanchez
- Jan 10, 2020
- 2 min read
Ginawa na ng Iran ang kanilang “matinding paghihiganti” kaugnay sa pagpatay ng U.S. kay Maj. Gen. Qassem Soleimani. Mahigit 12 missiles ang paunang pinakawalan ng Iran patungong kampo sa Iraqi bases kung saan may mga Amerikanong sundalo.
Habang isinusulat natin ang pitak na ito ay wala pang naiulat kung may nasaktang sundalong Kano sa nasabing pag-atake ng Iran. Tumama ang kanilang mga missiles sa loob ng kampo sa Iraq, pero hanggang doon pa lang ang mga balita.
Kaya ang bola ay nasa panig ni U.S. Pres. Donald Trump. Matatandaang nagbanta siya na kapag gumanti ang Iran at may nasaktang Amerikano o kanyang mga kaalyado ay tatargetin nila ang 52 lugar sa Iran.
Ngayong gumanti na ang Iran, ano na ang susunod na aksiyon ni Trump?
Matapos ang pag-atake ng Iran ay nag-tweet ito, “All is well! Missiles launched from Iran at two military bases located in Iraq. Assessment of casualties & damages taking place now. So far, so good! We have the most powerful and well equipped military anywhere in the world, by far! I will be making a statement tomorrow morning.” Tila mas mahinahon na siya at hindi palaban tulad ng inaasahan ng marami.
Gayunman, sa kabila ng tumitinding tensiyon sa dalawang bansa, positibo at hindi nawawalan ng pag-asa ang buong mundo. Nananawagan ang lahat na maging mahinahon at maayos din ang gulo.
◘◘◘
Iniutos na ng gobyerno ang “mandatory repatriation” ng mga OFWs sa Iran, Iraq at Lebanon dahil sa nanganganib na gulo sa Gitnang Silangan dulot ng alitan sa pagitan ng Iran at U.S..
Nananawagan na rin ang ilang senador na sumunod sa utos ng gobyerno na umuwi na sila. Pero hindi tayo sigurado kung lahat ay susunod sa kautusang ito.
Wala pang kasiguraduhan kung may naghihintay na trabaho para sa kanila na matatapatan ang kanilang kinikita sa Middle East. Alam nating sa hirap ng buhay sa Pilipinas, hindi nakapagtatakang may mga kababayan pa rin tayo na pipiliing manatili kahit pa may banta ng panganib kung sakaling lumaki ang gulo.
Samantala, may ginawa namang pagkilos ang Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan sinabi ng ahensiya na bukas ang ibang bansa tulad ng China, Russia, Canada, Germany at Japan para sa mga uuwing OFWs mula sa Iraq at Iran.
Malaking bagay na mabigyan agad ng trabaho ang libu-libong OFWs dahil malaking kawalan ang pagkawala ng kanilang kabuhayan. Mahalaga ang kanilang kikitain, hindi para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang pamilya.





Comments