Pera, alahas, gadgets at ATM cards ng bebot tinangay.. Chatmate na ‘salisi’, gumagala

Matapos paibigin, pinagnakawan ng isang lalaki ang 47-anyos na dalaga makaraan silang mag-check-in sa isang hotel sa Malabon City.
Sa ulat ni PMSSg. Julius Mabasa, noong Enero 3, nagkakilala sa isang social media dating site ang biktimang itinago sa pangalang ‘Judy’, senior operation manager ng isang telecom company at Kirby Villanueva, 41, at dahil sa matatamis na pananalita, bumigay agad ang dalaga at pumayag na makipagkita sa suspek sa isang fastfood chain.
Niyaya ni Villanueva si ‘Judy’ na mag-check-in sa isang hotel sa Bgy. Potrero alas-9:00 ng gabi gamit ang kotse ng babae kung saan isang oras silang namalagi sa lugar.
Matapos nito, niyaya ng suspek ang biktima na kumain sa labas ng hotel at sinabihan ang dalaga na iwan ang kanyang mga gamit at kotse dahil babalik naman sila pagkatapos kumain.
Sa isang teahouse sa Caloocan City nagtungo ang dalawa pero, bago dumating ang kanilang order na pagkain, nagpaalam ang suspek subalit, hindi na bumalik kaya mag-isang bumalik sa hotel ang dalaga at dito niya natuklasan na wala na ang kanyang gamit kabilang ang mamahaling gadget, relos, pera, ATM cards at mahahalagang ID at iba pang personal na gamit.
Ayon sa pulisya, modus-operandi ng suspek na gamitin ang kanyang hitsura upang mambiktima ng mga babae.
Ani Sgt. Mabasa, ganito rin ang kahalintulad na insidente sa Maynila at Pasay na nakuhanan ng CCTV at iisa lang ang pigura ng lalaking suspek.





Comments