Ilang deboto ng Nazareno, maka-Diyos kuno, dugyot at wala namang disiplina
- Ryan B. Sison
- Jan 10, 2020
- 2 min read

Sa pagpasok pa lang ng taon, agad pinaghandaan ang Traslacion ng Itim na Nazareno kaya naman iba’t ibang patakaran ang ipinatupad para masigurado ang kaayusan ng prusisyon, gayundin, ang kaligtasan ng mga deboto.
Sinimulan ito sa paglilinis ng daraanan ng Andas at paligid ng Simbahan, sinabayan na rin ng paalala sa mga deboto.
Paulit-ulit na hinihimok ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang grupo ang mga deboto na iwasang magkalat habang nasa prusisyon para hindi ito matulad sa mga nakaraang Traslacion na tone-toneladang basura ang iniwan.
Ngunit, tila wa’ epek ang mga paalala at pakiusap sa ating mga kababayan dahil hindi pa man natatapos ang araw ay sandamakmak na basura na ang naiwan.
Sa paunang ulat ng Manila Department of Public Services (alas-10:30 ng umaga ng Huwebes), aabot na sa 70 tonelada o katumbas ng 14 trak ng basura ang naipon sa Quirino Grandstand hanggang sa pag-usad ng Traslacion.
Nabatid na kabilang na sa napaulat na dami ng basura ang mga iniwan sa Luneta hanggang Ayala Bridge ng tinatayang higit dalawang milyong deboto na kasama sa Traslacion.
Nakalulungkot lang dahil tila wala nang kadala-dala ang mga kababayan natin.
Tipong panay ang reklamo na makalat o tambak ang basura sa ganito o ganyang lugar, pero sila mismo ‘yung dugyot. Tsk!
Marami sa atin ang maka-Diyos kuno, pero hindi naman makatao.
Sa mga susunod na taon, sana ay hindi na ito maulit. Hindi naman siguro natin ikamamatay ang pagbibitbit ng mga kalat natin at pagtapon sa tamang basurahan. At hindi porke may mga taong naglilinis pagkatapos ng prusisyon, tama lang na magkalat.
Hindi masamang mamanata, pero ‘wag nating kalimutan ang respeto at disiplina.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments