Ibang co-owners ng ibinentang lupa, dapat maghabol agad sa korte para maipakansela ang transaksiyon
- Persida Acosta
- Jan 10, 2020
- 2 min read
Dear Chief Acosta, Mayroon kaming malaking lupain sa aming probinsiya. Hindi pa ‘yun na-subdivide ngunit, ito ay ibinenta ng isa sa mga may-ari nang walang consent ang ibang co-owners. Ang pirma lang niya ang nakalagay sa pagbenta at walang pirma ang ibang co-owners. Hangad naming mabawi ang lupa pero natatakot kami dahil malalaking tao ang nakabili at kilala sila sa pagha-hire ng gunman para patayin ang kanilang kalaban. Sana ay mapayuhan ninyo kami. Maraming salamat. - Maricel
Dear Maricel, Sinabi ninyo sa inyong sulat na ang inyong lupain ay ibinenta lamang ng isa sa mga nagmamay-ari at nais ninyong mabawi ito pero natatakot kayo dahil malalaking tao ang nakabili nito at diumano ay gumagamit ng gunman. Iwasan natin ang ganitong kaisipan kung nais nating makamit ang katarungan.
Upang maipaglaban ninyong lahat na nagmamay-ari ng lupa ang inyong karapatan, kailangang lumantad ang iba pang may-ari ng nasabing lupain. Sa bentahan ng lupa na pagmamay-ari ng higit sa isang tao o co-ownership, dapat lahat ng nagmamay-ari ay nakapirma sa kasulatan, maliban na lang kung nagbigay ng legal na pahintulot ang iba. Kung walang pirma ang mga ito o wala ring pahintulot, ibig sabihin, hindi nila ibinenta ang kanilang parte roon sa lupa. Ito ay sakop ng Section 493 ng Civil Code of the Philippines, na nagsasaad ng ganito:
“Article 493. Each co-owner shall have the full ownership of his part and of the fruits and benefits pertaining thereto, and he may therefore alienate, assign or mortgage it, and even substitute another person in its enjoyment, except when personal rights are involved. But the effect of the alienation or the mortgage, with respect to the co-owners, shall be limited to the portion which may be allotted to him in the division upon the termination of the co-ownership.” (Binigyang-diin at sinalungguhitan)
Maliwanag ang sinasabi ng batas, ang maaari lamang i-alienate o ibenta ng co-owner ay limitado sa parte na allotted sa kanya kapag nabuwag na ang co-ownership. Sa kasong inilahad ninyo, ibinenta ng co-owner ang buong ari-arian na hindi nasasaklaw ng kanyang karapatan at nagbunga ito ng paglabag ng karapatan ng iba pang co-owners.
Ang paglabag sa karapatan ng ibang co-owners ay nagbibigay ng kadahilanan upang mag-file ng kaso sa husgado at ipakansela ang kontrata ng bentahan. Ang aksiyong ito ay maaari lamang gawin kapag wala nang iba pang paraan para mapawi ang pinsala sa mga apektado (Article 1383, Civil Code) at sa tingin natin ay wala nang iba pang aksiyon na maaaring gawin ang mga naperhuwisyong co-owners. Ang pagkakansela ng kontrata ng bentahan ay kailangang i-file sa korte sa loob ng apat na taon (Article 1389, Id.).
Sa kadahilanang nabanggit, kailangang lumantad ang mga co-owners na naperhuwisyo at mag-file sa husgado ng kaso para ipakansela ang kasunduan sa bentahan ng lupa. Kapag hindi nai-file ang nasabing kaso sa takdang panahon, mawawalan na nang tuluyan ng karapatan sa lupa ang mga co-owners. Dapat kayo ay manindigan, lumantad at ipaglaban ang inyong karapatan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments