Higit 1,000 deboto, sugatan sa traslacion

Nasa mahigit 1,000 deboto ang nasaktan at nasugatan sa idinaos na Traslacion ng Poong Itim na Nazareno, kahapon.
Batay sa talaan ng Philippine Red Cross (PRC) at datos mula sa command post ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), may kabuuang 1,051 na ang mga naitala nilang nasugatan dahil sa paglahok sa prusisyon.
Nabatid sa PRC, hanggang ala-1:00 ng hapon ay umabot na sa 775 ang napagkalooban ng tulong-medikal ng kanilang mga medical team at volunteer na ipinakalat sa buong ruta ng prusisyon.
Sa naturang bilang 527 ang tumaas ang presyon o nagpatingin ng kanilang blood pressure; 200 ang nagtamo ng minor injuries; 12 ang dumanas ng major case, tulad ng pagkahimatay at hirap sa paghinga; pito ang naospital dahil sa hypertension at napilayan habang 29 ang nabigyan ng welfare assistance.
Sa datos naman ng command post ng MDRRMO, nabatid na ala-1:31 ng hapon ay nakapagtala na sila ng 216 indibidwal na nasugatan sa paligid ng Quiapo Church simula nang umpisahan ang Traslacion 2020.
Nilinaw naman ng mga ito na pawang minor injuries lamang ang tinamo ng mga deboto. Samantala, tinatayang nasa apat na milyon ang debotong lumahok sa Traslacion na nagsimula sa Quirino Grandstand ng alas-4:16 ng madaling-araw at nakabalik ng Basilica ng Nazareno ng alas-8:46 ng gabi.





Comments