Mga dapat malaman tungkol sa Pista ng itim na Nazareno
- Justine Daguno
- Jan 9, 2020
- 2 min read

Taun-taon, tuwing ika-9 ng Enero, milyong deboto ang nakikiisa sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno kung saan naglalakad ang mga ito partikular na sa mga lansangan sa Maynila para sa ritwal ng Traslacion.
Inaabot ng mahabang oras o halos buong araw ang prusisyon ng imahen ng Itim na Nazareno na itinuturing na mahimala ng mga nananampalataya rito.
Sinasabing ang pananatiling matatag ng Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church sa iba’t ibang trahedya ang isa sa mga nagawa ng Itim na Nazareno.
Kaugnay nito, narito ang iba pang mga bagay na dapat nating malaman tungkol sa Pista ng Itim na Nazareno:
1. DAHILAN KUNG BAKIT ITIM ANG NAZARENO. Ang imahen ay gawa ng isang Mexican sculptor na dinala sa Maynila sa pamamagitan ng Acapilco galleon trade noong May 31, 1606. Palaisipan sa marami kung bakit itim ang kulay nito.
Ayon sa pag-aaral ni Monsignor Sabino A. Vengco, Jr. ng Loyola School of Theology, kailanman ay hindi ito naging kulay puti. Ang kahoy diumano na ginamit ay talagang itim at ito ay Mesquite wood.
2. IPINAGDIRIWANG DIN ITO SA IBA‘T IBANG LUGAR. Sa Cagayan de Oro City ay may malaking prusisyon na inoorganisa ang mga deboto. Ang lalawigan ay mayroong opisyal na replica ng Nazareno na ibinigay ng Quiapo Church noong 2009. Mayroon ding sariling replica ang mga deboto sa Catarman, Northern Samar na ibinigay din ng Simbahan ng Quiapo. Ipinagdiwang nila ang kanilang unang Traslacion noong 2015.
Samantala, ang mga debotong Pinoy naman sa ibang bansa ay nakikiisa rin sa pagdiriwang na ito. Sa Australia at U.S., ang mga mananampalataya ng Itim na Nazareno ay mayroong taunang misa bilang pagdiriwang.
Nagsasagawa rin sila ng prusisyon o parade ng kanilang replika, gayunman, sa mga lugar lamang na sakop ng kanilang parokya.
3. PAGPAPAHID NG TUWALYA SA IMAHEN. Ayon sa paniniwala ng mga deboto, ang ‘practice’ na ito ay nakagagaling ng anumang sakit — kahit ang terminal illness o ‘yung mga sakit na hindi pa nahahanapan ng lunas.
Naniniwala ang marami na maaari nitong ibigay ang anumang kahilingan o makatulong sa anumang pangangailangan. Gayundin, paraan ito upang makahingi ng kapatawaran ang sinuman, gaanuman kabigat ang nagawa nitong kasalanan.
4. PAGLALAKAD NANG NAKAYAPAK. Sa kabila ng mainit o pabagu-bagong panahon, mapapansin na marami sa mga mananampalataya ang nakayapak lamang. Ang paglalakad ng mga deboto nang nakayapak o walang suot na anumang sapin sa mga paa ay simbolo ng ‘humility’ o pagpapakumbaba.
Ngayong Kapistahan ng Mahal na Itim na Nazareno, nawa’y hindi lamang ito magsilbing pagdiriwang ng okasyon.
Bagama’t, debosyon na ito ng marami dahil sa kani-kanilang dahilan, huwag sanang matapos sa isang araw ang ating pananampalataya.
At tulad ng Minor Basilica of the Black Nazarene, maging matatag tayo sa kabila ng anumang unos na dumarating sa ating buhay.




Comments