Iwas-bisyo, tamang ehersisyo at disiplina sa mga pulis para pumayat
- Korina Sanchez
- Jan 9, 2020
- 2 min read
Ayon kay PNP-OIC Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa, kailangang magbawas ng timbang o bawal na ang pulis na ‘malaki ang tiyan’. Ito ang bagong alituntunin ng Philippine National Police (PNP) sa pagsisimula ng Bagong Taon.
Ang lahat ng PNP personnel mula patrolmen hanggang heneral ay kailangang sundin ang kanilang tamang BMI o body mass index kung gusto nilang mabigyan ng promosyon. Kailangang ipakita sa publiko na responsable ang kapulisan sa kanilang kalusugan.
Matatandaang, ito ang pangatlong kampanya laban sa mga pulis na may malalaking tiyan. Malinaw na walang nangyari sa naunang kampanya ng dalawang dating PNP chiefs at ngayon ay mga senador na sina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Ronald “Bato” dela Rosa na siya rin mismo ay may problema sa timbang.
Mula ngayon, kailangan na nila ng regular na ehersisyo at sapat na konsumo ng mga masusustansiyang pagkain. Bukod d’yan, bawasan ang bisyo — awat muna sa pag-inom ng alak, partikular ang beer.
Sa totoo lang, kung gusto talaga nilang magpapayat o maging saktuhan ang pangangatawan, kailangan nila ng matinding disiplina sa sarili.
****
Ngayong Pista ng Itim na Poong Nazareno, asahan nating milyong deboto ang nakikibahagi sa kaganapang ito. Ito ay dahil marami ang tumutupad sa kani-kanyang panata.
May bagong alkalde ang Lungsod ng Maynila. Nais nitong maging malinis, mabilis at mapayapa ang Traslacion 2020.
Kaugnay nito, inutos niya na ipagbawal ang mga sasakyan at tindero sa kahabaan ng prusisyon. Ayaw maulit ni Mayor Isko ang “trash-lacion” kung saan matinding kalat at basura ang naiiwan sa kalsada pagkatapos ng nasabing pagdiriwang.
Magkakaroon din ng “Andas wall” na binubuo ng mahigit 2,000 pulis. Mauuna sila sa Andas na sasakyan ng Itim na Poong Nazareno, gayundin sa paligid nito para mapabilis ang pag-usad.
Gayundin, sa likod na lang papayagang umakyat ang mga deboto para hindi nagkakagulo o mas organized ang mga tao.
Gayunman, umaasa tayo na sa pagpapatupad ng mga bagong patakarang ito ay magkakaroon ng kaayusan, hindi lamang ngayong taon kundi sa mga susunod pang pagdiriwang ng nasabing okasyon.





Comments