100 senior citizens, naghabol sa P1 milyon at monthly pension, nabiktima ng modus
- Ryan B. Sison
- Jan 9, 2020
- 2 min read

“HINDI ho kami mga tanga!”
Ito ang pagalit na sinabi ni Mayor Shierwin Taay ng Dingalan, Aurora nang makaharap ang grupo na diumano’y nambibiktima ng mga senior citizen.
Ang pangako raw ng grupo, mapapalitan ng isang milyong piso at buwanang pensiyon ang hanggang P1,000 bayad sa membership ng mga mare-recruit. Ayon sa isang biktima, nasa 100 senior citizen ang nagbayad ng P500 kaya naman lalong nadismaya at nagalit ang alkalde.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may grupong pareho ang modus sa Dingalan.
Kuwento ng alkalde, noong nakaraang taon, may grupong nagpapatawag sa mga senior citizens para sa usapin na may pamana, pero ipinatigil niya ito.
Sa Facebook post ni Taay, paulit-ulit umano niyang ipinaaalala na hindi totoo ang mga grupo na nagbibigay ng pera kapalit ng pagbabayad ng membership fee.
Dagdag pa rito, ‘wag umanong sisisihin ang lokal na pamahalaan ‘pag nabiktima dahil hindi sila nagkulang sa pagpapaalala at babala sa mga ganitong uri ng panloloko.
Kahit paulit-ulit nang napabalita at nagbigay-babala, hindi natin maitatangging marami pa rin ang walang alam sa ganitong modus.
‘Yung tipong sasabihin lang na babalik sa mas malaking halaga ang perang ilalabas, agad-agad na ibibigay ang halagang hinihingi. Tsk!
Wala namang masama kung gusto ninyong palaguin ang inyong pera, pero sana, ‘wag nating kalimutan na walang “easy money” o kailangang paghirapan muna ang pera bago ito makuha.
Kung maliit ang kabuhayan natin, pahalagahan natin ito at palaguin sa tamang paraan.
Hindi bale nang kitain ito nang matagal, basta pinaghirapan dahil ‘ika nga nila, ang bagay na mabilis makuha ay mabilis ding nawawala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments