‘Pinas, magpapadala ng mga sundalo sa Iraq — DND
- V. Reyes
- Jan 9, 2020
- 1 min read

Ikinakasa na ng Department of National Defense (DND) ang pagpapadala ng puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Iraq upang tumulong sa paglilikas ng mga Pilipino roon.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, isang barkong pandigma, mga eroplano at dalawang batalyon ng mga sundalo ang magiging bahagi ng humanitarian mission.
Ang nasabing hakbang ay kasunod ng pagsiklab ng tensiyon nang mapatay ang isang Iranian General sa drone strike ng Estados Unidos.
“Hindi sila magpunta du’n para makipaglaban. Baka magkabiglaang magkaroon talaga ng crisis du’n, eh, we have to go there immediately,” paglilinaw ni Lorenzana.
Gayunman, sinabi ni Lorenzana na kailangan muna nilang makakuha ng diplomatic clearance at maging malinaw ang rules of engagement sa Baghdad upang matiyak na hindi aatakihin ng kahit anong puwersa ang tropa ng mga sundalo ng Pilipinas. Aabot sa 1,600 ang mga Pilipino na nasa Iraq.
Samantala, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na kanila munang kokonsultahin ang mga Filipino sa Iraq kung nanaisin na lumikas pabalik ng Pilipinas o sa mga kapitbahay na bansa sa Gitnang Silangan.




Comments