Pumaren, nagbalik coach ng Green Archers sa UAAP

Pormal na inanunsiyo kahapon ng De La Salle University ang pagkakatalaga kay Frederick “Derick” Pumaren bilang bagong head coach ng Green Archers sa UAAP.
Ayon sa statement, nagsimula na ang termino ni Pumaren bilang coach noong Enero 1, 2020 upang tuluyan nang bumalik sa koponan matapos ang 28 na taon.
Naging coach ng Green Archers si Pumaren mula 1986 hanggang 1991 kung saan nagdala siya ng titulo para sa eskwelahan noong 1989, ang kauna-unahang titulo ng La Salle sa UAAP.
Naging coach din si Pumaren sa PBA sa iba’t ibang koponan katulad ng Pepsi, Sunkist, Sta. Lucia, Purefoods, FedEx at Talk ‘N Text.
Ito rin ang pagbabalik ng mga Pumaren sa La Salle. Noong 1998 hanggang 2009 ay coach ng Green Archers si Franz Pumaren habang si Dindo ay hinawakan ang koponan noong 2011.
“The University welcomes back Coach Derick to the Lasallian community as he maps out the new direction of the Green Archers,” wika ng La Salle sa kanilang opisyal na pahayag.
Ayon din sa pahayag, mananatili sila coaches Gian Nazario at Jermaine Byrd bilang assistant coach at skills coach.
Matatandaang sila ang namahala sa Green Archers noong Season 82 ng liga.
Nagpalit ng coach ang La Salle matapos hindi nakapasok ang Green Archers sa Final Four dahil sa kanilang 7-7 na kartada.
Napag-alaman din ng BULGAR na kasama rin sa coaching staff ni Pumaren sa La Salle sina Gabby Velasco at Mon Jose.





Comments