top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Parking lot ng mall, hindi na safe, Basag-Kotse Gang umatake

  • Ryan B. Sison
  • Jan 8, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Marami sa atin ang pinipiling mag-park sa mall dahil mas ligtas kaya kahit may kamahalan, oks na rin, makaiwas lang sa mga kawatan. Pero paano kung pati ang parking lot sa mga mall ay pinasok na rin ng masasamang-loob?

Dismayado si ACT-CIS Rep. Niña Taduran na walang nakalagay na CCTV sa parking area ng isang mall sa Quezon City na maaari sanang makatulong nang may bumasag sa salamin ng kanyang kotse.

Ipinarada umano sa mall ang sasakyan matapos ihatid sa Malacañang ang mambabatas. Kumain sa naturang mall ang kanyang mga kasama at pagbalik sa parking area, nadiskubreng basag na ang salamin ng likurang passenger seat nito.

Aabot umano sa P240,000 halaga ng gadgets at personal na gamit ng mambabatas, kabilang ang Congress-issued laptop, smartphone, alahas at cash ang mga nakuha ng kawatan.

Nagbigay naman ng pahayag ang mall at sinabing nagsasagwa na sila ng joint investigation sa insidente kasama ang Philippine National Police (PNP).

Hirit naman ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap, maghahain sila ng panukala sa Kongreso upang tiyakin na mananagot ang mall sa insidente.

Kung nangyari ito sa mambabatas, ano ang katiyakan na ligtas ang simpleng mamamayan sa mga krimeng tulad nito?

Nakakalungkot lang dahil sunud-sunod ang napabalitang insidente ng “basag-kotse” kamakailan at ngayon, tila wala nang takot ang mga gumagawa nito dahil pati mall na tadtad ng security personnel ay hindi na nila pinalalampas.

Pero kung walang CCTV sa parking lot, malinaw na may kapabayaan din ang mall.

Para saan pa ang ibinabayad na parking fee ng mga kostumer kung hindi naman sigurado ang kanilang kaligtasan?

Panawagan sa mga mall owner, ‘wag naman puro pagbubulsa ng pera, gastusan din ang seguridad ng mga kostumer.

Kung dededmahin ito at mauulit lang, kasiraan din ito ng mall.

Paalala naman sa publiko, iwasang mag-iwan ng mahahalagang kagamitan sa sasakyan, lalo na kung matagal kayong magpa-park.

Hindi na natin alam kung may ligtas pang lugar mula sa mga masasamang-loob kaya sana, ‘wag itong ipagsawalambahala ng mga kinauukulan dahil ang nakasalalay dito ay kaligtasan ng publiko.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page