Hindi war on drugs, utak ni Robredo ang palpak
- Bobi Tiglao
- Jan 8, 2020
- 2 min read
Kamakailan, binanatan ni VP Leni Robredo ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga.
Kaugnay ito ng kanyang ulat bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Illegal Drugs (ICAD) sa loob ng 18 araw. Inilarawan nito ang programa bilang “massive failure” o napakalaking kapalpakan. “Kumbaga sa exam, one out of 100 ang score ng gobyerno,” ayon kay Robredo.
Sa totoo lang, kung uusisain natin ang argumento ni Robredo, para sa atin ay hindi ang kampanya laban sa ilegal na droga ang “massive failure” — ang napakalaking kapalpakan ay ang kanyang kukote.
Bagama’t, hindi magandang pakinggan, kayo na ang humusga sa kanyang mga sinabi at isama n’yo na rin ang “performance” sa buong panahon ng kanyang panunungkulan.
Sa ulat ni Robredo, sinabi nitong nasa 1.2 milyong users ang sumuko sa kapulisan mula noong 2016, habang 300,000 naman ang naaresto sa mga police operation kung saan ang sumatutal ay 1.5 milyon.
Ayon kay Robredo, “If we use the 4 million estimate of drug users and pushers, and only 1.5 million had been accounted for, where are the 2.5 million?”
Nagtataka siya kung saan napunta ang bilang na ito? Common-sense, eh, di nasa labas pa. Ito ang kailangang trabahuhin at tugisin ng kapulisan.
Hindi naman mauubos ang mga ‘yan sa isang pitik o kumpas lang ng kamay. Gayunman, hindi ba naintindihan ni Robredo ang ibig sabihin ng mga numerong ito?
Kung 1.5 milyones ang nabawas sa “4 milyong users at pushers”, ibig sabihin, bumaba ang bilang ng mga sangkot sa ilegal na droga ng nasa 38 porsiyento.
Isipin niyang mabuti, malaking tagumpay ito para sa kampanya ni Pangulong Duterte.
‘Yan ang dahilan kaya natin nasabing hindi ang kampanya kontra ilegal na droga ang palpak kundi ang pag-iisip ni Robredo.
Ibang-iba ang nakikita ni Robredo sa nakikita at nararanasan ng mga Pinoy. Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia, nasa 80 porsiyento ng mga Pinoy ay bilib sa war on drugs ni Pangulong Duterte.
Sa totoo lang, walang ibang programa ang gobyerno ng mga nakaraang administrasyon na nagkaroon ng ganito kataas na suporta mula sa taumbayan.
Sa isang dosenang survey ng SWS mula noong Setyembre, 2016 hanggang Setyembre, 2019, hindi nagbabago ang porsiyento ng mga Pinoy na sumusuporta at tunay na nagtitiwala sa nasabing programa.
Kaya ang tanong, sino ang mas nakadarama ng mabuting pagbabago at nakaiintindi sa sitwasyon, si Robredo o ang taumbayan?





Comments