top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

World War III na, joke pa rin para sa mga Pinoy

  • Ryan B. Sison
  • Jan 7, 2020
  • 2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Kilala tayong mga Pinoy bilang positibo at sadyang palabiro. ‘Yung tipong sa kabila ng anumang bagyo, lindol o baha ay kaya nating ngumiti at magbiro.

Pero tulad ng palaging ipinaaalala sa atin, hindi lahat ng bagay ay puwedeng gawing biro, gayundin, dapat itong ilugar.

Matapos ang ginawang pag-atake ng Amerika sa Iran kung saan napatay si Islamic Revolutionary Guard Corps Major General Qassem Soleimani, nag-trending sa social media ang #WorldWarThree at #WWIII. At tulad ng inaasahan, hati ang opinyon ng mga netizen sa iba’t ibang panig ng mundo.

May mga netizen na ginagawang biro ang posibleng pagsisimula ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig dahil sa pag-atake habang ang iba naman ay nagpahayag ng pangamba.

Halos tatlong araw nang nagkalat sa socmed ang mga memes tungkol sa World War III kaya naman marami nang netizens ang hindi natutuwa.

Ayon sa mga nagpo-post ng mga biro at memes, pampagaan lang ito ng mood, pero hirit naman ng iba, hindi ito nakatutulong dahil sa halip na umasang ‘wag nang lumala ang gulo ay nakikisali pa ang mga ito.

Samantala, inabisuhan naman ng Blas Ople Policy Center, organisasyon na tumutulong sa distressed overseas Filipino workers (OFWs) na magdoble-ingat ang mga Pinoy sa Middle East dahil sa posibilidad na mino-monitor ng gobyerno ang kanilang mga kilos at galaw.

Huwag na umanong mag-post ng political statements o comments sa social media, gayundin, maging maingat sa mga ipinadadalang email. Ipinapayo rin na palaging dalhin ang mga passport at working permit kahit saan magpunta. Nakalulungkot dahil napakarami pa ring insensitive na Pinoy.

‘Yung kahit alam nilang marami tayong kababayang nag-aalala dahil may kamag-anak silang OFWs sa Middle East, nagagawa pa ring pagkatuwaan ng iba ang sitwasyon. Oks lang namang magpatawa sa socmed para maghatid ng good vibes, pero ‘yung mga ganitong bagay ay hindi natin dapat gawing biro.

Panawagan sa mga kababayan natin, tama na ang paggawa at pagse-share ng memes. Sa halip na makigulo, ipagdasal natin ang dalawang panig na magkaayos at manatiling ligtas ang lahat, lalo na ang mga kababayan nating nasa Middle East.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page