Pagkakaiba at solusyon sa pilay at muscle pain
- BULGAR

- Jan 7, 2020
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Mahilig maglaro ng basketball ang anak ko, pero kapag umuuwi siya galing sa practice ay palagi niyang iniinda ang sakit ng kanyang katawan. Magkaiba ba ang sprain at muscle pain? Gayunman, ano ang puwede kong gawin para maging okay ang kanyang kondisyon? — Rene
Sagot Ang sprain o pilay ay ang pinsala sa ligaments at muscles na nasa paligid ng kasukasuan. Nangyayari ito kapag gumalaw sa maling paraan tulad ng pagkatapilok. Ang karaniwang sprain ay nangyayari sa bukung-bukong.

Ang mga sumusunod ay ang mga palatandaan ng sprain:
Matinding sakit sa bahagi ng katawan na naapektuhan.
Limitadong paggalaw.
Pamamaga at pagkakaroon ng pasa sa paligid ng injury.
Narito ang first aid sa sprain:
Rest. Iwasan ang paggalaw ng apektadong bahagi.
Ice. Gumamit ng yelo para sa pamamaga.
Compression. Lagyan ng bandage ang injured na bahagi para mabawasan ang pamamaga at maibsan ang sakit. Huwag ding masyadong sikipan ang bandage.
Elevation. Hangga’t maaari, itaas ang apektadong bahagi nang mas mataas pa kaysa sa puso.
Ang muscle pain ay ang pananakit ng kalamnan na sanhi ng injury, pagod o pamamaga. Maaari itong mangyari sa iba’t ibang parte ng katawan pagkatapos ng matinding pisikal na aktibidad lalo na kung hindi nag-warm-up o nagamit nang matagal na oras ang muscles.
Kung bago lamang sa paglalaro ng basketball o kasisimula pa lamang mag-ehersisyo, paniguradong makararanas ng muscle pain. Karaniwang nawawala ito nang kusa sa loob ng ilang araw.
Ito ang mga maaaring gawin para maibsan ang sakit kung mayroong muscle pain:
Lagyan ng icepack o cold compress ang apektadong bahagi sa loob ng 15 minuto kung ito ay namamaga. Kung wala namang pamamaga, maaaring heat pack ang ilagay para gumanda ang daloy ng dugo. Ipamasahe nang dahan-dahan ang bahagi na masakit. Malaking tulong ito para mawala ang tensiyon sa muscles. Maaaring uminom ng pain relievers tulad ng paracetamol, ibuprofen o mefenamic acid.




Comments