top of page
Pokwang.jpg

Pekeng LPG tanks na kalat na sa merkado, mas mura nga, pamatay naman!

Bong Revilla
Jan 6, 2020
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Hindi pa namin tiyak kung epektibo ba ang ginagawang pagbabantay ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil hanggang sa kasalukuyan ay talamak pa rin ang bentahan ng mga pekeng Liquefied Petroleum Gas (LPG) na lubhang delikado.

Parang hindi natatakot ang mga fly-by-night manufacturers ng mga pekeng LPG kahit may standard enforcement campaigning at market monitoring ang DTI sa buong Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Ang mga pobre nating kababayan ang biktima nito, partikular ‘yung mga kapos sa kaalaman at ang tanging pinagbabasehan lamang ay ang presyo na mas mura kumpara sa mga lehitimong LPG sa merkado.

May ilan namang pikit-matang binibili ang mga pekeng LPG kahit alam nilang delikado dahil sa maling pagtitipid at naniniwala silang depende ang aksidente kung paano nag-iingat ang gumagamit.

Ngunit, taliwas ito sa kampanya ng DTI na maigting ang panawagang huwag bumili ng mga pekeng LPG at para makasigurong ligtas, dapat may tatak na ICC at PS ang LPG tank upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng bumili.

Ang Philippine Standard (PS) at Import Commodity Clearance (ICC) ang siyang palatandaan na ligtas gamitin ang LPG tank na makapal ang bakal, walang butas o kalawang na taliwas sa mga pekeng naglipana sa pamilihan. Ilang lehitimong manufacturer ng LPG tank ang naghain na ng pormal na reklamo sa DTI dahil sa hindi makontrol ang pagkalat ng mga pekeng LPG tanks na walang tatak ng PS at ICC.

Lumalabas sa datos na maraming sunog na ang naganap na ang dahilan ay ang pagsabog ng pekeng LPG tank, ngunit tila hindi natututo ang mga mamimili dahil patuloy nilang tinatangkilik ang substandard na tangke.

Alam n’yo ba na ang pagtangkilik sa mga pekeng LPG tank na ito ay malaking epekto sa ating ekonomiya dahil hindi naman nagbabayad ng buwis ang mga ito bukod pa sa delikado?

Gayunman, umaasa pa rin tayo sa Fair Trade Enforcement Bureau (FTEB) sa pamamagitan ng Surveillance and Monitoring Division na masusing binabantayan ang mga manufacturers ng LPG tank bago pa mauwi sa trahedya ang lahat.

Dapat nakasunod sa Fair Trade Law at sa mga batas sa product standard bilang suporta sa Bureau of Philippine Standards at hinihimok din ang publiko na isumbong sa FTEB ang mga bodega na pinaglalagakan ng mga pekeng LPG tanks.

Maraming fly-by-night manufacturers na nakatago sa mga bodega at madali itong malaman dahil maingay dahil sa pukpukan nang pukpukan at gumagamit ng welding machine at sumisingaw ang amoy ng LPG.

Kung hindi tayo makikipagtulungan ay parang pinapayagan na rin nating ilagay sa kapahamakan ang buhay ng ating pamilya, partikular ang mga bata na walang kamuwang-muwang.

Ang nakalulungkot, nagsisiyaman ang mga fly-by-night manufacturers habang ang mga mamimili ay parang bomba na kahit anong oras ay puwedeng sumabog.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page