Giannis at Crowder ng Bucks at Grizzlies, napakahusay!

Humalibas si Giannis Antetokounmpo ng 32 points habang si Eric Bledsoe ay nagdagdag ng 21 nang ipagpatuloy ng host Milwaukee Bucks ang record-breaking season sa bisa ng 127-118 victory laban sa San Antonio Spurs kahapon sa unang back-to-back, home-and-away games sa pagitan ng dalawang teams sa NBA game kahapon. Maglalaban uli ang Bucks at Spurs sa Lunes sa San Antonio. Namuno ang Bucks sa 5 points sa halftime at nagtarak ng 12 makaraan ang 3 quarters at nagdagdag pa ng 19 sa final period para itala ang panalo sa ika-5 laban sa Spurs at 8 panalo sa 9 na bakbakan.
Hawak ng Bucks (32-5) ang best 37-game start sa kasaysayan ng prangkisa.
Ito ang ika-19 na laro ni Antetokounmpo ngayong season na nakagawa ng 30 points. Nagdagdag si Khris Middleton ng 20 points, may 15 si Robin Lopez, si Ersan Ilyasova ay umiskor ng 11 points habang may 10 puntos si Brook Lopez para sa panalo ng Bucks.
Nasayang naman ang pamumuno ni DeMar DeRozan na may 26 points para sa Spurs habang si LaMarcus Aldridge ay may 16 points at 10 rebounds.
Dumagdag si Rudy Gay ng 15 points, may 11 si Patty Mills habang si Trey Lyles ay may game-high 14 rebounds para sa San Antonio (14-20). Sa iba pang laro, attitude umano ayon kay Los Angeles coach Doc Rivers hindi ang kawalan ng mga injured players ang siyang nagpatalo sa Clippers sa magkasunod na home loss kontra Memphis.
Bumasket si Jae Crowder ng 27 points, dumagdag sina Jaren Jackson Jr. ng 24 at Ja Morant at Dillon Brooks ng tig-22 puntos para sa Grizzlies, na nakapagtala ng pinakamataas na scoring game ngayong season sa 140-114 laban sa Western Conference-contending Clippers.“They were faster, quicker, they played harder,” saad ni Rivers. “They were clearly the tougher team. Honestly, they deserved to win the game.”





Comments