top of page
Pokwang.jpg

Deal ng 'Pinas at Kuwait, wa' silbi, napatay na OFW, naulit na naman

Korina Sanchez
Jan 6, 2020
2 min read

Manigong Bagong Taon sa inyong lahat! Nakalulungkot na tila malayo sa kapayapaan ang pagpasok ng bagong dekada.

Nito lamang ay napatay ng U.S. ang mataas na heneral ng Iran na si Maj. Gen. Qassem Soleimani. Kaugnay ito ng utos na airstrike ni Pres. Trump ng Amerika laban sa heneral. Si Soleimani umano ang nasa likod ng maraming kilos-terorismo laban sa Amerika kaya nila ito tinarget. Giit ni Trump, ginawa nila ito para tapusin ang digmaan at hindi para magsimula.

Hindi nakapagtatakang nangako ang pinuno ng Iran at ilan pang opisyal ng “matinding ganti” laban sa mga Kano.

Samantala, agad namang nagpadala ng karagdagang sundalo ang Amerika sa Kuwait kung sakaling kumilos ng digmaan ang Iran.

At dahil ganito na ang sitwasyon sa Gitnang Silangan, natural na maapektuhan nito ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Kaya naman, asahan na ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Sa pagtaas ng presyo ng langis, alam na natin ang susunod na mangyayari, ‘domino-effect’ na naman. Tataas din ang presyo ng mga bilihin. Tsk!

****

Isang Pinay naman na OFW sa Kuwait ang pinatay. Ayon sa ulat, pinatay si Jeanelyn Villavende ng kanyang babaeng amo.

Hindi ba, may kasunduan ang Pilipinas at Kuwait na bibigyan ng proteksiyon ang mga kababayan natin doon matapos ang karumal-dumal na pagpatay kay Joanna Demafelis noong 2018?

Samantala, muli na namang nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa pagde-deploy ng mga OFWs sa Kuwait habang umaandar ang kaso laban sa pumatay kay Villavende.

May nagawa bang masama o hindi katanggap-tanggap sa kanilang kultura si Villavende para patayin siya sa pambubugbog o sadyang mababa lang ang tingin ng mga banyaga sa mga Pinoy para ganu’n na lang kung abusuhin nila ang ating mga kababayan?

Sa totoo lang, lumalabas na tila walang silbi ang kasunduan lalo na at

nasundan ang masaklap na insidente ng pagpatay sa ating kababayan.

Huwag naman sanang maging mitsa ng buhay ang kanilang pagtatrabaho at pagsasakripisyo sa ibang bansa para matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page