US-Iran war lumalala.. Milyong OFWs tambay, gas at bilihin tataas
- Gina Pleñago
- Jan 5, 2020
- 2 min read

Pinangangambahang mahigit isang milyong overseas Filipino workers (OFWs) ang mawawalan ng trabaho kasabay ang pagsirit ng presyo ng petrolyo at bilihin dahil sa tumitinding tensiyon sa pagitan ng US at Iran, Iraq at iba pang bansa sa Middle East.
Tinatayang 1.2 milyong Pinoy ang nasa Middle East. Ayon sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 1,190 ang documented workers sa bansang Iraq at nasa 800 dito ang naninirahan sa Baghdad, kung saan nangyari ang airstrike.
Aabot naman sa 538 ang undocumented workers sa nasabing bansa.
Ilegal naman ang lahat ng manggagawang Pinoy sa bansang Iran dahil walang labor agreement ang dalawang bansa, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.
Samantala, pinayuhan ng DFA ang mga Filipino na iwasang bumiyahe sa Iraq dahil sa nagaganap na tensiyon doon.
Dapat umanong kanselahin na ng mga Filipino ang kanilang biyahe sa lugar para hindi madamay sa anumang karahasan.
Ayon kay DFA Assistant Sec. Eduardo Meñez, mahigpit nilang binabantayan ang kalagayan sa naturang bansa at nakahanda sila anumang oras para palikasin ang mga Pinoy na nasa lugar.
Matatandaang, nagkaroon ng tensiyon sa rehiyon matapos mapatay ng US sa kanilang airstrike ang pangunahing Iran general sa Iraq na si Qasem Soleimani.
Ang Amerika ay nag-utos na rin ng pagpapaalis sa mga embassy official at US citizen na nakabase sa Iraq dahil sa pangamba na pagganti ng Iran.
Tiniyak naman ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na handa silang umasiste sa anumang security-related incidents at magbigay ng update hinggil sa sitwasyon sa lugar.
Maaari anilang makipag-ugnayan sa mga sumusunod na tanggapan:
Assistance-to-Nationals Section (ANS) ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh:
– Landline number na 011-480-1918
– Hotline number na 056 989 3301
– Email address na assistance@riyadhpe.com
Assistance-to-Nationals Section (ANS) ng Philippine Consulate General sa Jeddah:
– Hotline numbers na 055 219 613 o 055 219 614
– Email address na ans@pcgjeddah.org.
Kaugan nito, nanawagan naman ang ilang labor group na pauwiin na ang mga OFWs sa Middle East bago pa man maipit sa sigalot ng US at Iran.
Kung magpapatuloy ang gulo, maaapektuhan din ang ekonomiya ng buong mundo kabilang na ang Pilipinas na umaasa sa supply ng petrolyo sa Middle East. Kasunod na nito ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.





Comments