Pagdanganan, sasalang sa prestihiyosong LPGA tour

Halagang $75.1-M ang naghihintay sa mga professional lady parbusters, kabilang na ang Pinay na si Bianca Pagdanganan, na pipiliting makapasok sa winners’s circles ng iba’t-ibang paligsahan ng prestihiyosong Ladies Professional Golf Association (LPGA) Tour ngayong 2020. Una na sa listahan ng mga kompetisyon ngayong taong ito ay ang $1.2M Diamond Resorts Tournament of Champions sa Florida na gaganapin sa Enero 16 hanggang 19.
Bagong salta sa pro circuit si Pagdanganan pero hindi inaasahang magpapakaldag ito sa mga beteranang golfers. Tinapos ng Pinay ang kanyang amateur career na bahagi ng top 38 buong mundo (1085.7926 puntos). Malaking instrumento sa pag-angat na ito ni Pagdanganan, dating pambato ng University of Arizona, ang paghablot niya ng individual gold sa women’s golf ng katatapos ng 30th Southeast Asian Games kung saan tumayong punong-abala ang Pilipinas at kung saan itinanghal na overall champion ang mga atleta ng bansa.
Malupit na hamon ang dinaanan ng Pinay sa torneo dahil may mga tumatawad sa kanyang kakayahang maibandera sa event ang Pilipinas dahil sa dalawang mga kadahilanan: una, wala ang premyadong lady golfer ng bansa na si Yuka Saso na naging professional na; pangalawa, kasama sa SEAG ang malupit na Thai contingent sa pamumuno ni world amateur no. 1 Atthaya Thitikul at no. 13 Phimnipa Panthong. Pero hindi nagpakaldag si Pagdanganan at dinaig ang mga world class Thai lady golfers paakyat sa trono. Bukod dito, pinangunahan niya rin ang bansa sa pagkuha ng team gold.





Comments