top of page
Pokwang.jpg

Kalayaan sa pamamahayag, ‘wag hayaang mamatay

Fr. Robert P. Reyes
Jan 5, 2020
2 min read

Ano ang ibig sabihin ng 20/20 vision? Ito ay may kinalaman sa malinaw na mga mata o perpektong paningin ng tao. Maraming dahilan kung bakit nanlalabo ang paningin ng tao — namana sa mga magulang, nagkakaedad, senyales o dulot ng sakit, nakuha sa aksidente at iba pa.

Gayunman, isa sa mga karaniwang solusyon nito ay ang pagsusuot ng salamin kung saan kakailanganing pumunta sa optometry clinic.

Alam n’yo ba na ang taong 2020 ay maaari rin nating iugnay sa 20/20 vision? Tingnan natin ang “2020” bilang simbolo na magkaroon ng malinaw na pananaw at pagtingin sa katotohanan.

Sa panahon ngayon, media — sa radyo, telebisyon, pahayagan at social media ang kinakapitan ng marami upang makita ang tunay na nangyayari sa iba’t ibang panig ng bansa. Bagama’t, malayang pamamahayag ang layunin nito, hindi malayong dahil sa mga taong abusado sa kapangyarihan ay naiipit pa rin ang mga ito.

Ayon sa ulat, isa sa mga delikadong lugar ang Pilipinas para sa media. Napakaraming namatay na mamamahayag na hanggang ngayon ay wala pa ring hustisya. Patuloy ang pananakot at panggigipit sa mga mamamahayag na walang takot na ipinahahayag ang katotohanan.

Alam natin kung paano ginipit ang ilang pahayagan at istasyon ng radyo. Mainit pa ngayon ang “panggigipit” sa ABS-CBN Network kung saan kamakailan, ang hamon ng pangulo sa nasabing istasyon, “Ibenta na lang ninyo ang ABS-CBN!”

Magtatapos ang kontrata ng ABS-CBN ngayong Marso 2020. Nangako ang Kongreso na pag-aaralan nila nang husto kung nararapat ipagpatuloy ang prangkisa ng ABS-CBN o tuluyan na itong ipasasara. Ipinaaalala ni Palawan First District Rep. Franz Alvarez na hindi karapatan kundi prebilehiyo ang pagbibigay ng pahintulot sa ABS-CBN na magbigay ng serbisyo-publiko.

Nakakatakot ang pahayag na ito dahil lumalabas na may utang na loob ang anumang sangay ng media sa Malacañang o sa pangulo kung sila ay pahihintulutang maglingkod sa mamamayan sa pamamagitan ng pamamahayag ng katotohanan.

Samantala, ayon kay Congressman Edcel Lagman, “Sa halip na takutin at duruin ang istasyon ng TV, dapat suportahan ito dahil napakahalaga ng papel na ginagampanan nito sa atin.”

Matatandaang, naipasara ito noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Marami tayong kababayan ang nawalan ng kabuhayan noong mga panahong ‘yun.

Ang tanong natin, sa ABS-CBN lang ba sila may problema o sa mismong institusyon ng media?

Kailangan nating manalangin sa Diyos at sa hinirang na patron na si Santa Clara ng Assisi na huwag pahintulutang humina at mamatay ang espiritu ng malaya at malinaw na pamamahayag nang sa gayun ay malinaw nating makikita ang katotohanan na nangyayari sa ating paligid dahil bilang mamamayan, karapatan natin ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page